Senate1

Sen. Ping: ’26 budget discussion tuloy

173 Views

SINABI ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na tuloy ang pagtalakay sa pambansang badyet sa kabila ng pagpapalit-liderato sa Senado.

Ayon kay Sen. Lacson, mananatili sa puwesto si Sen. Sherwin Gatchalian bilang chairman ng Senate Committee on Finance, ang nangangasiwa sa panukalang 2026 national budget.

“Hindi siya aalisin. Kabilang siya sa bagong majority kaya hindi matatanggal sa kanya ang finance committee,” aniya.

Binanggit ni Lacson na posibleng magkaroon ng pagbabago sa ilang komite, lalo na yong pinamumunuan ng mga senador na ngayo’y bahagi na ng minorya kasunod ng reorganisasyon nitong Lunes.

Sa naturang pagbabago, muling itinalaga si Sen. Vicente Sotto III bilang Senate President matapos ang kanyang panunungkulan bilang minority leader. Nahalal naman si Lacson bilang Senate President Pro Tempore at siya rin ang itatalagang chairman ng Blue Ribbon Committee.

Ipinahayag din ni Lacson ang paghanga sa maayos na transisyon, kung saan si dating Senate President Francis Escudero mismo ang nagpapanumpa sa kanyang kapalit.