Discaya1 Curlee Discaya

Discaya ayaw sagutin kung may senador na humingi ng kickback

193 Views

TUMANGGI ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya na sagutin kung mayroong mga senador na humingi ng kickback sa kanya kaugnay ng mga kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakuha ng kanyang mga kompanya.

“I have to invoke po muna my rights po,” sagot ni Discaya, bilang tugon sa tanong kung sinu-sino pa ang mga kongresista at senador na humingi ng kickback sa kanya para makompleto ang listahan na binanggit nito sa pagdinig ng Senado.

Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee, tinanong ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima si Discaya kaugnay ng kanyang affidavit kung saan nakasaad na “ilan sa kanila ay sina…” na ang tinutukoy ay ang mga mambabatas na pinangalanan nito sa Senado.

“Pero sabi sa paragraph 20, ‘ilan sa kanila ay sina …’ ibig sabihin, partial lang po ito, hindi po ito kumpleto?” tanong ni De Lima.

“Yes, your Honor,” pag-amin ni Discaya.

Iginiit ni De Lima ang kahalagahan ng makompleto ang listahan at ang pagkakaroon ng transparency sa imbestigasyon.

“Ang gusto ko pong tanungin sa inyo, puwede ho bang bigyan n’yo na kami ng kumpleto na listahan. Kasi sa pagkakasabi n’yo, ‘ilan sa kanila ay sina …’ Alam n’yo exactly kung ano pa o sino pa ang mga ibang sangkot na members of the House of Representatives,” sabi ni De Lima sa testigo. “Ang nagtataka din po ako at gusto ko rin po itong itanong sa inyo, ‘yun po bang mga hindi n’yo pa pinangalanan dito, mga miyembro pa rin ng House of Representatives o miyembro na ng Senado?”

Sagot ni Discaya: “Your Honor, I invoke po muna my rights po.”

Hiniling ni De Lima na linawin niya: “Rights? Exactly what rights?”

“Hindi pa po ako sigurado sa mga dokumento po no’ng mga ibang puwede pong mabanggit,” tugon ni Discaya, na tila nag-aatubiling magbigay ng karagdagang detalye.

Itinuro ng mambabatas kung ini-invoke niya ba ang kanyang constitutional right laban sa self-incrimination.

“Hindi ko po maintindihan kung anong klaseng rights sa batas ang ini-invoke ninyo… What specific rights do you have that you are now invoking? You are not invoking your right to self-incrimination, right?” tanong ni De Lima.

Humiling si Discaya na ang mga susunod na rebelasyon ay gawin na lamang sa isang executive session.

“Your Honor, kung okay lang po ba na sa executive session ko na lang po sasabihin para sa kaligtasan din po ng pamilya ko?” ani Discaya.

Ngunit mariing tinanggihan ni De Lima ang mungkahi: “Hindi po ako papayag no’n. Of course, that will be the decision of the body. But I am not in favor of this. Kasi, kung kayang-kaya n’yo po na pangalanan ang ilan sa mga members ng House of Representatives… that was not an executive session. That was in open and public proceedings… I do not understand kung bakit all of a sudden, you will be asking for an executive session dito po sa harap ng miyembro ng committee ng House of Representatives,” giit ng lady solon.

Ipinaalala ni De Lima kay Discaya na noong humarap siya sa Senate Blue Ribbon Committee, isiniwalat niya sa publiko ang mga miyembro ng Kamara nang hindi humihingi ng closed-door proceedings, kaya’t ang kanyang kahilingan ngayon ay tila hindi patas at inconsistent.

Nang direktang tanungin kung balak pa niyang pangalanan ang mga tao sa pagdinig, itinanggi ni Discaya.

“Hindi po, Your Honor, wala po,” sagot niya.

Tinanong naman ni De Lima ang kanyang motibo: “Bakit po kayo humihingi ng executive session? Is it a matter of national security?”

“I don’t think so,” sabi niya, bago iminungkahi na kumonsulta si Discaya sa kanyang abogado.