Calendar
Engr. JP Mendoza
Testigo ng House Infra Comm humingi ng proteksyon pati sa pamilya, nakatanggap ng death threats
ISANG testigo ng House Infrastructure Committee (Infra Comm) ang nakatanggap ng mga banta sa kanyang cellphone habang isinasagawa ang pagdinig noong Martes kaugnay ng mga ghost at palpak na flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Si Engr. JP Mendoza, dating kawani ng first engineering district ng Bulacan, ay humiling ng pagkakataong makapagsalita upang ipaalam sa komite ang tungkol sa mga banta.
“Last September 1 po, may nag-message sa viber, ang naka-name ay ‘Hitman.’ Tapos ngayon po, bago ako magsalita, tumatawag na naman siya,” sinabi niya sa investigating panel na pinamumunuan ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.
“Kung baga sana, ‘yung ina-ask ko po na security ay asap na po sana sir…puwede pong masama rin ‘yung family ko po,” dagdag pa niya.
Ani Ridon, na dati nang sinabing may House protection para sa Infra Comm witnesses, “We are stating for the record that Mr. Mendoza is receiving threats to his life.”
“It is something the committee is taking seriously. We will discuss it as soon as we end this meeting,” pahayag ni Ridon.
Bago banggitin ang banta sa kanyang seguridad, sinang-ayunan ni Mendoza ang testimonya ng kanyang dating kasamahan sa first district engineering, si dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, na nagsabing sina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada ay diumano’y sangkot sa flood control projects sa Bulacan na nagkakahalagang halos P1 bilyon.
Sinabi ni Hernandez na ang dalawang senador ay nakakuha diumano ng 30 porsiyentong kickback mula sa halagang iyon mula kay dating District Engineer Henry Alcantara.

