DPWH

Malaking kaltas sa budget ng proyekto dahil sa DPWH overhead binatikos

258 Views

MARIING binatikos ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes ang Engineering and Administrative Overhead (EAO) ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na mula umano sa 0.5 percent ay biglang umakyat sa 3.5 percent ng bawat proyekto sa loob lamang ng tatlong taon—katumbas ng halos P100 bilyon.

Sa kanyang talumpati sa plenaryo ng Senado noong Setyembre 9, ipinaliwanag ni Cayetano na awtomatikong ibinabawas ang EAO sa lahat ng proyektong higit sa P1 milyon ang halaga. Ang pondong ito ay napupunta sa DPWH central office, regional directors, at district engineers para umano sa gastusing administratibo gaya ng testing at quality control.

Ngunit giit ng senador, sa kabila ng pagtaas, nabigong matiyak ng EAO ang kalidad ng mga proyekto at ikinakabit pa sa umano’y ghost projects. “In three years, umabot sa halos P100 billion ang napupunta sa DPWH,” aniya.

Dagdag pa ni Cayetano, imbes na mapabuti ang oversight, nababawasan ang pondo para sa mismong konstruksyon ng mga proyekto. Babala niya, nadidiskaril ang mga dapat pakinabangan ng mga komunidad at nabubuksan pa ang pagkakataon para sa maling paggamit ng pondo.

Sumang-ayon si Senator Panfilo Lacson sa kanyang punto at binigyang-diin ang laki ng kaltas sa budget ng mga proyekto dahil sa naturang overhead. “Isa ito sa pwedeng tanungin sa budget deliberation natin. Bakit tumaas na, naging 3.5 na? Napakalaking bawas ’yan sa dapat gastusin sa proyekto,” ani Lacson.

Kapwa iginiit nina Cayetano at Lacson na masusing sisiyasatin ang budget ng DPWH upang matiyak na ang pondo ng bayan ay mapupunta sa tunay na imprastruktura at hindi sa labis na overhead.