Calendar
Ligtas, maayos na halalan sa BARMM tiniyak
DAPAT lamang paghandaan ang seguridad sa nalalapit na BARMM election.
Nagpahayag ng matinding pangamba si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri kaugnay ng seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang nalalapit ang unang regular parliamentary elections sa Oktubre 13, 2025.
Sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee A para sa pambansang badyet, iginiit ni Zubiri—na siyang pangunahing may-akda ng Bangsamoro Organic Law—na may mga tensiyon at usap-usapan sa rehiyon na maaaring mauwi sa karahasan. “I would like to ask, because this is close to my heart, the BARMM… There is a lot going on now, a lot of rumblings and grumblings, and I am worried that it might turn violent,” aniya.
Mariin niyang tinanong si COMELEC Chair George Garcia hinggil sa kahandaan ng komisyon. “What is the situation to you now there on the ground, Mr. Chairman? What do you think can we do because we have only a month left before the actual election; are we prepared for any contingencies if this happen?” dagdag pa ni Zubiri.
Binigyang-diin pa niya na napakahalaga ng BARMM elections para mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Mindanao, at anumang karahasan ay maaaring makasira sa mga nakamit na mula nang maisabatas ang Bangsamoro Organic Law.
Tiniyak naman ni Garcia na matutuloy ang eleksyon sa itinakdang petsa at nakahanda na ang mga panseguridad at contingency measures upang matiyak ang ligtas at maayos na pagboto.
Ang Oktubre 13 na halalan ang magiging unang regular na parliamentary elections ng BARMM, kapalit ng Bangsamoro Transition Authority na naitatag noong 2019. Nanatili pa rin ang hamon sa seguridad, lalo na matapos maitala ang ilang election-related violence sa Basilan at iba pang probinsya. Bilang tugon, nagpataw ng gun ban ang COMELEC mula Agosto 14 hanggang Oktubre 28.
Ayon sa mga opisyal, ang resulta ng eleksyon ay magiging mahalaga sa pagpapatatag ng kapayapaan at demokratikong pamamahala sa rehiyon.

