Japanese

BI idineport 6 Japanese crime members

Jun I Legaspi Sep 10, 2025
251 Views

IPINA-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Japanese nationals na umano’y miyembro ng grupong kriminal kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa mga transnasyonal na kriminal.

Ayon kay Atty. Alex Arciaga, hepe ng BI Deportation and Implementation Unit, ipinadeport sina Hiraki Ishikawa, 46; Tsubasa Amano, 30; Akira Sambonchiku, 26; Naoto Matsumoto, 36; Rintaro Yamane, 28; at Masato Morihiro, 38.

Umalis ang anim na indibidwal mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng Japan Airlines patungong Tokyo noong umaga ng Setyembre 10.

Inaresto ang mga Hapones noong Mayo 21 sa magkahiwalay na operasyon ng BI Fugitives Search Unit (FSU) sa San Jose del Monte, Bulacan at Ermita, Maynila.

Naaresto sina Rintaro at Masato sa isang condominium unit sa Adriatico St., Ermita, habang ang apat ay natagpuan sa Quirino Highway sa Bulacan.

Kinilala ng mga awtoridad sa Japan ang grupo bilang bahagi ng kilalang ‘JP Dragon’ syndicate na sangkot sa malawakang panlilinlang.

Target ng kanilang modus ang mga nakatatanda sa Japan kung saan nagpapanggap silang mga awtoridad upang makuha ang tiwala ng biktima at makuha ang malaking halaga ng pera.

Kabilang sa kanilang mga gawain ang pagnanakaw ng ATM cards at pagpapanggap bilang mga pulis upang pilitin ang mga biktima na ibigay ang kanilang bank cards at impormasyon sa ilalim ng kunwaring imbestigasyon.

Naglabas ng arrest warrant ang Summary Court sa Fukuoka, Japan noong Marso 5 laban sa lima sa kanila dahil sa kasong pagnanakaw, habang si Matsumoto ay napatunayang overstaying alien.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang naging aksyon, at iginiit na epektibong nawasak ang operasyon ng sindikato sa bansa.

“Ang pagpapadeport sa mga miyembro ng JP Dragon group ay nangangahulugang tuluyang nawasak ang kanilang operasyon,” sabi ni Viado.