Calendar
Sen. Loren isinulong senior citizens act
MULING inihain ni Sen. Loren Legarda ang Senate Bill No. 164, ang “Monthly Maintenance Medication Support for Senior Citizens Act,” na naglalayong magbigay ng P1,000 buwanang ayuda sa mga senior citizens para sa kanilang medicine maintenance.
Bilang pangunahing may-akda ng Expanded Senior Citizens Act of 2010 (Republic Act No. 9994), sinabi ni Legarda na kahit mayroong batas para sa diskuwento sa gamot, marami pa ring matatanda ang nahihirapang tustusan ang pangunahing pangangailangan sa kalusugan.
Ayon sa kanya, ang bagong panukala ay higit pa rito—nagpapahayag ng direktang suporta para sa maintenance na gamot.
Ayon sa teksto ng panukala, ang mga kuwalipikadong benepisyaryo—mga mamamayang Pilipino na rehistrado alinsunod sa RA 9994—ay makakatanggap ng card na hindi maaaring ipasa o ipalit sa salapi.
Ang benepisyo ay mailalaan lamang para sa pagbili ng maintenance na gamot na may reseta mula sa nakaraang anim na buwan. Nakasaad din na ang sinumang mapatunayang nag-aabuso ay papatawan ng parusa batay sa umiiral na batas.
Ayon kay Legarda, ang programa ay “munting pagkilala sa mga naglatag ng daan para sa atin,” at ito raw ay nasa layuning “tiyakin na walang senior citizen na mapapabayaan.”

