Calendar
Source: File photo
PNP hiniling aksyunan rent tangay modus
NANAWAGAN si Senador Raffy Tulfo sa Philippine National Police (PNP) na agarang tugunan ang lumalaganap na modus na “rent-tangay,” kung saan nagpapanggap ang mga suspek na rerenta ng sasakyan ngunit hindi na ito ibinabalik at tuluyang nawawala.
Sa kanyang privilege speech ngayong Setyembre 10, binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangang silipin ng PNP ang umano’y iregularidad sa pangangasiwa ng mga nakarnap na sasakyan sa loob ng kanilang hanay.
“Ako ay nabahala sa balitang ito dahil madami nang kaso na ganito ang nakarating sa aking programa,” aniya.
Ibinahagi ni Tulfo ang kaso ng isang Ford Everest na umano’y ninakaw ng isang Chinese national. Gamit ang GPS na nakakabit sa sasakyan, natunton ito ng may-ari at nadiskubreng nakaparada sa loob ng Married Officers’ Quarters (MOQ) ng Camp Crame, tirahan ng mga matataas na opisyal ng PNP.
“Kung ako ang may-ari ng sasakyan, ‘di ko alam kung matutuwa ako, maiinis o matatakot. Narent-tangay ang sasakyan ko tapos bigla ko na lang mate-trace ang sasakyan sa Camp Crame? At sa tirahan pa ng mga senior officials ng PNP?,” saad niya.
Kinuwestiyon ni Tulfo ang magkasalungat na pahayag ng mga opisyal ng PNP. Ayon sa Anti-Kidnapping Group (AKG), ang sasakyan ay ipinarada sa loob ng Camp Crame dahil umano sa kakulangan ng parking. Ngunit giit ng Headquarters Support Service (HSS), hindi awtorisado ang pagparada at kasalukuyang iniimbestigahan ang insidente.
“Ano ba talaga PNP? Walang irregularity o dapat may managot? Hindi na dapat pinagtatalunan ito. The fact na nahanap pa ng may-ari ang kanyang sasakyan sa pamamagitan ng sarili niyang GPS ay malinaw na may mali. Bakit hindi sila naimpormahan agad ng PNP?” tanong ni Tulfo.
Bagamat abala ang gobyerno sa mga proyektong pang-imprastruktura, hinikayat ni Tulfo ang bagong pamunuan ng PNP na palakasin ang kampanya laban sa mga tiwaling pulis at tinatawag na Ninja cops.
“While this incident might not have made the front pages, it seems that the problem is there. And we should not ignore it. And the leadership of the PNP must be swift in acting on this before the whole PNP burns down,” dagdag niya.

