Calendar
Source: File photo
Senate CCTV nakuhanan pagpunta ng contractor sa Senado
NAKUHANAN ng CCTV ng Senado ang isang babaeng contractor kinilalang Mina na pumapasok sa gusali ng Senado na tugma sa mga alegasyon na isiniwalat sa Kamara ni Engr. Brice Hernandez na nagsangkot sa ilan sa mga senador.
Ang video na ito, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, ay nagsisilbing mahalagang ebidensya sa lumalawak na multibilyon pisong flood control scam na ngayon nga ay nagdadawit sa ilang opisyales na diumanoy nakatanggap ng suhol sa tinatawag nilang ghost project sa flood control.
Si Lacson, na siyang tagapangulo ng Senate Blue Ribbon Committee, ay nagsabi na ang nasabing opisyal na video recording ay nagpapakita na ang katiwalian ay hindi na lamang umiikot sa mga paper insertions o ghost projects kundi direktang personal na transaksyon sa pagitan ng mga kontratista at mambabatas.
“Kapag nakita ng Ombudsman itong video, obligasyon nilang imbestigahan at kasuhan,” babala niya, at binigyang-diin na ang video ay mula mismo sa CCTV ng Senado, kaya’t hindi ito maaaring pagdudahan.
Bagama’t hindi pa kumpirmado kung ang pinasok ni “Mina” ay opisina ng isang senador o ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Lacson na ipapatawag niya ang in-charge sa CCTV upang tukuyin ito mismo sa pagdinig ng blue ribbon.
“Ipapa-subpoena ko rin yung in charge sa CCTV dito para siya ang mag-identify kung anong office ang pinuntahan nung Mina na taga WJ. Allegations kasi ito ni Brice Hernandez kayat pina-check namin agad. Maituturing itong circumstantial evidence lamang dahil walang proof pero kung may alegasyon, mag co-connect the dot tayo,” paliwanag niya. Dagdag pa niya, “Hindi ito haka-haka. CCTV mismo ng Senado ang pinanggalingan. Malinaw kung ano ang nangyari at sino ang sangkot.”
Ikinuwento rin ni Lacson na tila may elementong makalangit ang timing ng pagsambulat ng eskandalo at mismong ang nasa Itaas na aniya ang kumilos para malaman ito ng lahat.
“Ito ang day of reckoning. Akala nila lusot sila all the way. Ang malas nila mukhang may nakialam sa taas. Nag bagyo ng tatlong sunod-sunod. Mukhang nagalit na si God eh,” ani Lacson, at iginiit na ang sunod-sunod na bagyo at pagbaha ang nagbukas sa mata ng publiko ukol sa mga proyektong may anomalya. “It’s all Divine intervention. Kumilos na yung nasa itaas. Hindi normal na sunod-sunod ang bagyong nangyari pati habagat kayat talagang napansin na nang lahat ang flood control project na ito.”
Mula sa Kapihan sa Senado, nanawagan si Lacson sa Ombudsman, Department of Justice (DOJ), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na kumilos agad gamit ang mga dokumento at ebidensyang hawak na ng kanyang opisina. “Gusto ko kung ano ang mga kakalap na ebidensya agad-agad ipadala sa independent commission,” ani Lacson. Ipinaliwanag niyang lahat ng dokumento mula sa kanyang privilege speeches ay naisumite na at kailangan na lamang ng cover letter. Dagdag pa niya, “Kung AMLC, can proceed na mag-freeze na kagad ng mga accounts ng individuals concerned.” Ipinabatid din niyang ang mga kasong lumalagpas sa halagang ₱8.8 milyon ay non-bailable at may parusang reclusion perpetua.

