Calendar
Babala ni Villar: Baha lumalala dahil sa sachet economy, plastic waste
NAGBABALA si Senator Camille Villar na ang lumalalang pagbaha ay dulot ng tumitinding problema sa plastic waste, bunsod ng pag-iral ng sachet economy, sa isinagawang unang pagdinig ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change na siya ang pinamumunuan.
Bilang pinakabatang kasapi ng ika-20 Kongreso, nanawagan si Villar ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa kapaligiran, lalo na yaong nakatuon sa plastic waste na siyang nagbabara sa mga kanal at nagpapalala ng pagbaha.
“Flooding has become not just a natural hazard, but a governance challenge that tests our capacity for urban planning, disaster preparedness, and environmental law enforcement,” ayon kay Villar.
Tinukoy niya ang laganap na paggamit ng single-use plastic packaging—lalo na ang mga produkto sa sachet—na patuloy na nagpapabigat sa kakayahan ng bansa na pamahalaan ang basura at linisin ang mga daluyan ng tubig, dahilan ng pagbaha sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Cavite, at Rizal.
Nanawagan si Villar sa pamahalaan at pribadong sektor na managot. “Kailangan nating tiyakin na ang mga batas gaya ng Ecological Solid Waste Management Act (Republic Act No. 9003) at Extended Producer Responsibility Act of 2022 (Republic Act No. 11898) ay ipinatutupad nang buo at epektibo.” Siya ang naghain ng orihinal na panukala ng EPR habang kinatawan ng Las Piñas.
Dagdag pa ni Villar, tatalakayin ng komite ang mga lumang polisiya sa basura at magsusulong ng reporma upang mabawasan ang produksiyon ng plastik at mapalakas ang kakayahang makaiwas sa sakuna.
Nagbigay ng ulat sa pagdinig sina Environment Secretary Raphael Lotilla, Climate Change Commission Secretary Robert Borje, at iba pang opisyal mula sa DENR at mga kaakibat na ahensya.
Ayon kay Villar, ang mga susunod na pagdinig ay tututok sa pagpapatupad, pagsunod ng mga industriya, at mga panukalang batas na direktang tumutugon sa epekto ng sachet economy sa kalikasan at pagbaha.

