Calendar
Sumakay ng Metro Rail Transit line 3 (MRT-3) sa GMA-Kamuning Station, Diliman, Quezon City, sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang First Family, sa paglulunsad ng Pamilya Pass 1+3 noong Hunyo 1, 2025.
Screenshot mula sa RTVM video
DOTr, Sumitomo pinalawig MRT-3 rehab ng 2 taon
SUMANG-AYON ang Department of Transportation (DOTr) na palawigin ng dalawang taon ang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit line 3 (MRT-3) sa tulong ng Sumitomo Corp. ng Japan.
Ang kasunduang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbigay ng ligtas na sistema ng riles para sa publiko.
Nilagdaan nina Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez at Sumitomo Corp. Corporate Officer at General Manager Takeshi Noguchi ang dalawang taong rehabilitasyon at maintenance component ng MRT-3.
Sa ilalim ng kasunduan, masisiguro ang episyente at maginhawang serbisyo sa mga mananakay, mas kaunting aberya at pagkasira, at mas maikling oras ng biyahe.
Hanga si Lopez sa kakayahan ng Sumitomo Corp. sa pamamahala ng rehabilitasyon at maintenance ng MRT-3.
Natapos ng Sumitomo ang systems rehabilitation ng MRT-3 noong Disyembre 2021 at patuloy ang maintenance services nito hanggang Oktubre 2025.
“Sa tulong ng Sumitomo, JICA at ng pamahalaan ng Japan, umaasa tayong mapanatili ang ligtas, maaasahan, at episyenteng serbisyo ng MRT-3 para sa mga mananakay,” sabi ni Lopez.
Mula nang pamahalaan ng Sumitomo Corp. ang rehabilitasyon at maintenance ng MRT-3 noong 2019, tumaas ang bilang ng operational trains mula sa pito sa 22 noong 2022.

