Calendar
Junior DPWH staff may modus — Sen. Ping
IBINULGAR ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang umano’y panibagong modus sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan junior personnel ang sangkot, na sinisingil umano ng hanggang libo-libong piso kada pahina ng dokumentong isinusumite ng mga kontratista.
Ayon kay Lacson, ang karagdagang “requirements” mula sa District Engineering Office ay bukod pa sa nakagawiang komisyon at iba pang “obligasyon” na pinagbabayaran ng mga kontratista. Giit niya, naging napakalalim na ng korapsyon sa ahensya at “nag-evolve na ang katakawan.”
Sa panayam sa NET25, sinabi niya: “Ngayon pati per page ng bidding documents, per page ng material testing report, at pati per page ng documentary requirements, may presyo na.”
Batay sa natanggap niyang impormasyon, kabilang umano sa singilan ng mga junior officials ang: P10,000 para sa technical notes tulad ng variation order at dagdag P2,000 kada pahina kada request; hindi bababa sa P50,000 sa Planning and Design Section para sa soft copy depende sa rehiyon; 1 porsiyento ng contract cost para sa materials testing report na walang resibo; hindi bababa sa P50,000 para sa bid documents depende sa rehiyon; P5,000 kada inspector para sa inspection sa initial billing, dagdag P10,000 at P5,000 kada pipirma kung taga-DPWH ang gumawa ng report; P75,000 para sa final billing at dagdag P5,000 kada project engineer; P50,000 kapag Quality Assurance mula sa Central Office at tinatawagan ng District Engineer ang mga kontratista; at mula P50,000 hanggang P200,000 para sa Construction Performance Evaluation System (CPES).
Bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa umano’y anomalya sa flood control projects, sinabi ni Lacson na malinaw na nagpapakita ito ng malalim na ugat ng katiwalian sa DPWH.
Sa kanyang privilege speeches noong Agosto 20 at Setyembre 9, inilantad niya ang umano’y organisadong raket sa ahensya, kung saan may mga engineer na nakapagsusugal umano ng daan-daang milyong piso sa mga casino.
Aniya, naging masamang ehemplo pa ang mga senior engineer sa kanilang junior staff. “Nakikita ng mga nasa ibaba na yumayaman ang mga District Engineer nila, kaya naisip nilang yumaman din sila,” aniya.
Dagdag pa ni Lacson, ang tunay na nasasaktan dito ay ang taumbayan.
“Nagdadagdag ng requirement ang mga mababang ranggo para parusahan ang contractor. Pero ang talagang pinaparusahan ay ang taxpayer kasi ipinapasa ng contractor ang gastos sa atin sa pamamagitan ng paggamit ng substandard na materyales,” pahayag niya.

