Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez… Source: DSWD Pag-abot Program

Pagpapalawak ng Pag-Abot program ng DSWD itinulak ni Speaker Romualdez

290 Views

HINIMOK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawakin pa ang Pag-Abot Program, na nagbibigay ng tulong sa mga naninirahan sa kalye at kapos-palad na pamilya upang makabangon mula sa kahirapan.

Ang panawagan ay kasunod ng ginawang pamamahagi ng DSWD ng mga kagamitan sa pagsasaka sa 521 pamilyang Aeta sa Barangay Maruglo, Capas, Tarlac.

Ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng administrasyong Marcos na tulungan ang mga katutubo na magkaroon ng sariling kabuhayan at maiwasang mamalimos sa lungsod, lalo na tuwing Kapaskuhan.

“The Pag-Abot Program is a critical social safety net that fills gaps in our poverty alleviation measures. It is also proof of President Ferdinand R. Marcos Jr.’s strong commitment to eradicate poverty in line with the Philippine Development Plan 2023-2028 and the United Nations Sustainable Development Goals,” ani Romualdez.

Binigyang-diin niya ang Executive Order No. 52, series of 2024, na nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. noong Enero 18, 2024, na nagtatakda sa Pag-Abot Program bilang pangunahing programa ng gobyerno para tulungan ang mga mahihirap, kapos-palad, at komunidad na nasa liblib o malalayong lugar.

Kamakailan, namahagi ang DSWD sa mga pamilyang Aeta ng 50 kalabaw, 10 hand tractors na may trailer, siyam na mini-tiller cultivators, 10 grass-cutters, 10 water pumps, 33 knapsack sprayers, anim na power sprayers, apat na mini palay threshers, at tatlong rice mills bilang tulong sa kanilang kabuhayan.

Ito ay karagdagan pa sa 91 kalabaw na naibigay na ng ahensya matapos mailigtas at maibalik sa kanilang komunidad ang mga pamilyang Aeta na napunta sa Metro Manila noong Disyembre 2023.

“These farm implements for our Aeta brothers and sisters in Tarlac are not just tools to till the land. They are also symbols of hope―hope that with hard work and determination, supported by responsive government programs, a brighter future is within reach for their families and communities,” paliwanag ni Romualdez.

Pinuri rin niya ang pamumuno ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pagtitiyak na ang komunidad ng Aeta mismo ang pumili ng tulong angkop sa kanilang pangangailangan, alinsunod sa community-driven approach ng DSWD sa ilalim ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS).

“Sila man ay nasa laylayan ng ating lipunan, ipinapadama ng pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD na hindi sila isinantabi at kinalimutan. Sa halip, tinutulungan silang makaahon sa kahirapan at mamuhay nang may dignidad at pag-asa,” ani Romualdez.

Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara na nakatuon ang Kongreso sa pagsuporta sa Pag-Abot Program at iba pang programa ng DSWD bilang bahagi ng hangarin ng administrasyong Marcos para sa Bagong Pilipinas.

Para sa 2026, nagpanukala ang DSWD ng budget na P223.2 bilyon para sa mga pangunahing programa tulad ng 4Ps, AICS, Supplementary Feeding, at Sustainable Livelihood Program. Sa halagang ito, P807 milyon ang nakalaan para sa Pag-Abot Program, kabilang ang P586 milyon para sa grants at P66.6 milyon para sa outreach operations.

“As members of the House of the People, we will ensure that sufficient resources are provided for these programs so that no Filipino family is left behind. Ang bawat pisong ginugol para sa kapakanan ng ating mahihirap ay puhunan para sa kinabukasan ng bansa,” saad ni Romualdez.

“This is the essence of governance under a Bagong Pilipinas―building stronger communities, empowering the vulnerable, and making sure that every Filipino, regardless of status, has the opportunity to live a life of dignity, hope, and productivity,” dagdag pa ng lider ng Kamara.