De lima

Ex-Sec Singson bagay na bagay sa ICI–Rep. De Lima

Mar Rodriguez Sep 15, 2025
358 Views

KUMBINSiDO si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party List Rep. Leila de Lima na malaki ang magiging ambag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio “Babes” Singson sa ikakasang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa maanomalyang multi-milyon pisong flood control projects.

Naniniwala ang pulitiko na lalabas ang katotohanan tungkol sa kawing-kawing na katiwaliang naganap sa kontrobersyal na proyekto at ang pagkakasangkot ng mga tiwaling opisyales ng DPWH kasama na ang pakikipagsabwatan umano nila sa mga kilalang pulitiko.

Ipinaliwanag ng kongresista na bunsod ng kaniyang malinis na track record, hindi matatawarang kredibilidad at mahusay na pamumuno sa DPWH, malaki ang magiging kontribusyon ni Singson sa isasagawang imbestigasyon ng ICI.

“With his clean track record, credibility and efficient leadership as former DPWH chief, we are confident that he will make significant contributions to the investigation of anomalous flood control and other government infrastructure projects,” wika ni De Lima.

Sinabi din ni De Lima na noong panahon na nanunungkulan si Singson sa DPWH ay nagawa nitong linisin ang ahensiya sa pamamagitan ng 5Rs formula tulad ng “Right Projects, Right Cost, Right Quality, Right on Time at Right People.”

Kasabay nito, Ipinahayag din ni De Lima na dapat imbestigahan ang lahat ng mga sangkot sa maanomalyang proyekto at dapat walang pagtakpan ang ICI.