NDRRMC Source; NDRRMC

Babuyan Islands isinailalim sa Signal No. 5

331 Views

ISINAILALIM sa typhoon Signal No. 5 ang Babuyan Islands matapos mas lalong tumindi ang lakas ni Super Typhoon Nando na nananalasa sa Hilagang Luzon.

Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), kumikilos si Nando pakanluran, palayo sa Babuyan Islands sa bilis na 25 kilometers per hour (km/h).

May lakas ng hangin na 215 km/h malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 295 km/h.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa Babuyan Islands; Signal No. 4 sa Batanes, Cagayan at Ilocos Norte; Signal No. 3 sa Batanes, central portion ng mainland Cagayan, northern at central portions ng Apayao at ilang bahagi ng Ilocos Norte.

Habang nakataas naman ang Signal No. 2 sa Isabela, Abra, Kalinga, Mountain Province, hilagang bahagi ng Benguet, Ilocos Sur, hilagang bahagi ng La Union; at Signal No. 1 sa natitirang lugar sa Luzon.

Ayon sa Pagasa, pinalalakas din ni Nando ang habagat na magdadala ng malalakas na ulan at bugso ng hangin sa Luzon, Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.

Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Nando nitong umaga ng Martes, Setyembre 23.