Calendar
Panggugulo ng hip hop gangsters sa Sept. 21 rally sa Maynila kinondena ni Valeriano
MARIING kinondina ng Chairman ng House Committee on Public Order and Safety na si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano ang panghahasik ng kaguluhan ng grupo ng mga kabataan sa Maynila na binansagang “hip hop gangsters” sa kasagsagan ng isinasagawang anti-corruption rally noong nakaraang Setyembre 21.
Nauna ng sinabi ni Manila Police District (MPD) spokesperson Police Major Philipp Ines na posible umanong naimpluwensiyahan ang mga kabataan ng isang rapper na nakasuot ng itim na t-shirt at bonnet kung kaya’t nauwi sa matinding kaguluhan ang dapat sana’y mapayapang anti-corruption noong nakalipas na araw ng linggo sa Maynila.
Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano na hindi naman masama na mailabas ng mamamayang Pilipino partikular na ang mga kabataan ang kanilang saloobin patungkol sa mga kasalukuyang kaganapan sa pamahalaan. Subalit ang hindi lamang aniya tama ay ang haluan ng kaguluhan o mauwi sa sakitan ang pagpapahayag ng kanilang damdamin.
Ipinaliwanag din ni Valeriano na karapatan at mayroong kalayaan ang bawat Pilipino na maipahayag ang kanilang pagka-diskuntento at sama ng loob kaugnay sa talamak na korapsiyon sa bansa.
Gayunman, iginigiit nito na hindi na saklaw ng kanilang kalayaan ang pananakit at panggugulo katulad ng ginawa ng mga kabataan kung saan ilang miyembro ng kapulisan ang lubhang nasugatan habang ang iba naman ay isinugod sa mga pagamutan matapos mauwi sa batuhan at sakitan ang naturang malawakang pagtitipon.
Sang-ayon naman si 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nats” M. Oducado sa pagsasagawa ng imbestigasyon para malaman ang buong katotohanan tungkol sa nangyaring kaguluhan noong linggo makaraang ipahayag ng Malakanyang na posibleng ginamit ng ilang politiko ang mga kabataang nanggulo sa Sept. 21 rally.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Oducado sapagkat gumamit pa ng molotov bomb ang mga kabataang rallyista at walang habas na pinagbabato ang hanay ng mga pulis gayong ang pangunahing layunin lamang ng isinagawang pagtitipon ay marinig ng pamahalaan ang hinanaing ng taongbayan.
Sinabi ni Oducado na mahalagang malaman kung mayrooG katotohanan ang nakalap na impormasyon ng Palasyo na may malaking politiko ang nasa likod ng ginanap na rally.

