Baha

Nasawi sa sunod-sunod na bagyo, habagat umakyat sa 18

Zaida Delos Reyes Sep 26, 2025
373 Views

UMAKYAT na sa 18 indibidwal ang nasawi sa sunod-sunod na pananalasa ng bagyong tumama sa bansa kabilang ang Severe Tropical Storm “Opong”, Super Typhoon “Nando”, at Tropical Depression “Mirasol” at Southwest Monsoon o habagat.

Ayon kay Office of Civil Defense o OCD Deputy Administrator Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, walo sa mga nasawi ay mula sa Cagayan, tatlo sa Cordillera , tatlo sa Central Luzon at apat sa Bicol Region.

Karamihan sa mga biktima ay dahil sa pagguho ng lupa, pagkalunod at tinamaan ng mga bumagsak na debris.

Sa kabuuan, tinatayang higit sa 1.2 milyong katao mula sa 11 rehiyon ang naapektuhan, habang mahigit 50,000 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center.

Umabot naman sa P794.81 milyon halaga ng imprastruktura ang napinsala.

Nagpaabot na ng P21 milyon na tulong ang pamahalaan sa 31,000 pamilyang apektado, habang nakahanda rin ang mga team ng search and rescue, medical supplies, at transportasyon para sa relief operations.

Patuloy ang pagtutok ng mga awtoridad sa epekto ng Bagyong Opong habang sinisikap namang makabangon ang Northern Luzon mula sa pinsalang iniwan ni Nando.