DOH

P15B proyekto ng DOH na di tapos pinangambahang di mapapakinabangan

309 Views

IPINAHAYAG ni Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang pangamba sa halos P15 bilyong halaga ng mga proyekto ng Department of Health (DOH) na hindi pa natatapos at hindi pa napapakinabangan, kabilang ang tinukoy niyang mga “haunted” super health centers.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance hinggil sa panukalang 2025 budget ng DOH, binanggit ni Gatchalian ang 2024 Commission on Audit (COA) report na nagsasabing 123 proyekto na nagkakahalaga ng P11.54 bilyon ang hindi natapos sa takdang panahon ng kontrata.

Batay rin sa datos ng DOH, mula sa 1,099 super health centers na itinakda mula 2021 hanggang 2024, may 319 proyekto na nagkakahalaga ng P3 bilyon ang nananatiling hindi pa tapos at hindi pa gumagana.

“Hindi natin papayagang maulit ang mga ‘haunted’ super health centers o mga hindi pa natatapos na proyekto. Lahat ng nasa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ay kailangang matapos. Sayang ang pera dahil ang pinag-uusapan natin dito ay P15 bilyon,” ani Gatchalian, na Chairman ng Senate Committee on Finance.

Upang maiwasan ang pagkaantala at hindi pagkakatapos ng mga proyekto, iminungkahi ni Gatchalian ang pagpapatupad ng counterpart program ng DOH kasama ang mga lokal na pamahalaan (LGUs). Sa ilalim ng nasabing counterpart program, magbibigay ng kaukulang resources ang LGUs upang maitayo at mapatakbo ang mga pasilidad pangkalusugan.