Calendar
Kamara nagpahayag ng pakikiramay, malasakit, pakikiisa mga biktima ng lindol sa Cebu
INAPRUBAHAN ng House of Representatives nitong Biyernes ang isang resolusyon na nagpapahayag ng taos-pusong pakikiramay, malasakit, at matibay na pakikiisa sa mga biktima ng lindol na may lakas na 6.9 magnitude na tumama sa Cebu at mga karatig-probinsiya noong Setyembre 30.
Sa ilalim ng House Resolution (HR) No. 325 na inihain nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at House Minority Leader Marcelino C. Libanan, kinilala ng mga mambabatas ang matinding pinsalang dulot ng lindol na kumitil ng hindi bababa sa 72 katao, sumugat ng daan-daan, at nagpalikas ng libu-libong pamilya.
“Napagpasyahan ng House of Representatives na ipahayag ang taos-pusong pakikiramay, malasakit, at matatag na pakikiisa ng Kamara sa mga biktima ng lindol na yumanig sa Cebu at mga kalapit na lalawigan noong Setyembre 30, 2025,” ayon sa nilalaman ng resolusyon.
Ipinunto ng mga lider ng Kamara na winasak ng lindol at mga aftershock nito ang mga tahanan, paaralan, simbahan, at tanggapan ng pamahalaan—kabilang na ang mga makasaysayang lugar tulad ng Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan na lubhang nasira.
“Noong Oktubre 2, 2025, naitala ang hindi bababa sa 72 nasawi, daan-daang nasugatan, at libu-libong nawalan ng tirahan. Nasira ang mga tahanan, naging delikado ang mga paaralan at gusali ng gobyerno, gumuho ang mga tulay at simbahan,” nakasaad sa resolusyon.
Kinilala rin ng Kamara ang agarang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng pagpapakilos ng mga rescue, medical, at relief teams sa mga matinding naapektuhang lugar.
“Agarang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. ang pagpapadala ng mga rescue, medical, at relief teams sa mga pinakamatinding tinamaan, at personal niyang tiniyak ang buong suporta ng pamahalaan sa mga biktima,” dagdag pa ng resolusyon.
Binigyang-diin din ng mga mambabatas ang pangangailangan ng pagkakaisa at mabilisang pagtugon, at nangakong makikibahagi sa mga hakbang ng rehabilitasyon at muling pagbangon ng mga apektadong lugar.
“Napagpasyahan din na ang mga miyembro ng House of Representatives, sama-sama at isa-isa, ay tumugon sa hamon ng pagbibigay ng tulong at suporta para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na tinamaan ng lindol,” ayon sa resolusyon.
Binibigyang-diin ng panukalang ito na ang Kamara ay kasama ng Cebu at iba pang naapektuhang mga komunidad sa panahon ng matinding pangangailangan at kolektibong pagbangon.

