BBM

PBBM sa mga OFWs: Di biro ang inyong pinagdadaanan, andito gobyerno para sumuporta

211 Views

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes ang pamamahagi ng P30 milyong financial assistance para sa mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang mga pamilya sa Pampanga na apektado ng mga nagdaang bagyo.

Sa paglulunsad ng Agarang Kalinga at Saklolo sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund sa San Fernando, Pampanga, muling inulit ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako na suportahan ang OFWs at gawing magaan ang mga paghihirap na nararanasan ng kanilang mga pamilya sa panahon ng kalamidad.

“Hindi biro ang inyong pinagdadaanan―malayo sa pamilya habang nagtatrabaho sa ibayong lugar para sa kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay. At kapag may mga problema o mga pangyayari sa inyong pamilya dito sa Pilipinas, may kalamidad kung sakali, o talagang doble o triple pa ang inyong hirap sa pag-aalala,” wika ni Pangulong Marcos.

“Kaya’t narito naman kami upang maghatid ng tulong at magbigay ng suporta, lalo na para sa mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na makatatanggap ang 3,000 benepisyaryo mula sa Pampanga ng P5,000 bawat isa mula sa Department of Migrant Workers (DMW) AKSYON Fund.

Ang DMW AKSYON Fund ay nagbibigay ng legal, medikal, pinansyal at emergency na tulong para sa mga OFW at kanilang mga pamilya.

“Bilang tugon sa matinding pinsala ng mga nagdaang habagat at bagyo, magbibigay ang Department of Migrant Workers ng tulong sa pamamagitan nitong AKSYON Fund,” ayon sa Pangulo.

“Ito ay aktuwal na tulong lalo na sa mga sandaling walang ibang matatakbuhan,” dagdag pa ng Pangulo.

Ang mga benepisyaryo ay mula sa mga bayan ng Apalit, Arayat, Candaba, Floridablanca, Guagua, Lubao, Macabebe, Magalang, Masantol, Mexico, Minalin, San Luis, San Simon, Sasmuan, Sta. Ana, Sta. Rita at Sto. Tomas.

Inanunsyo rin ng Pangulo ang karagdagang P5,000 na cash assistance mula sa Office of the President (OP) para sa bawat kwalipikadong benepisyaryo sa Pampanga. PCO