Loren

Legarda: Nasaan ang P60B halaga ng puno?

292 Views

HINAMON ng mga senador ang DENR sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee H kaugnay ng ₱28.1bilyong panukalang badyet para sa 2026, na tumuon sa katiyakan ng datos sa kagubatan, pagkaantala sa pagpasok sa carbon market, at ulat sa posibleng nuclear site sa Antique.

“A simple question—where are the ₱60 billion worth of trees?,” tanong ni Senadora Loren Legarda.

Ayon kay Forest Management Bureau Assistant Director Ray Kabigting, 2.2 milyong ektarya na ang naitanim mula nang simulan ang NGP; kabilang dito ang 14,800 ektaryang mangrove at 77,900 ektaryang beach forest species. Batay sa NAMRIA, nasa 7.2 milyong ektarya o 24 porsiyento ng bansa ang may forest cover. Pinuna ni Legarda ang hindi tugmang bilang at hiniling ang mas malinaw na sukat ng natitirang primary forest.

Tinuligsa ni Legarda ang pagtatanim ng hindi katutubong species tulad ng mahogany na umano’y nakakasira sa biodiversity. Tugon ni Kabigting, ginagamit muna ang mabilis tumubong species upang patatagin ang wasak na lupain bago itanim ang native species. Nanawagan si Legarda ng siyentipikong monitoring, geotagging, at masusing survival audits.

Itinanong ni Senador Sherwin Gatchalian kung bakit hindi pa kumikita ang Pilipinas sa carbon trading habang aktibo na ang ibang bansa sa ASEAN. Paliwanag ni Kabigting, tinatapos pa ang REDD+ readiness systems at target mapasok ang voluntary carbon market pagsapit ng 2026. “We’re still not ready in 2025. That’s not acceptable,” sabi ni Legarda, at iginiit na 2007 pa ito napag-uusapan. “Di yun, para may bantay… Para hindi na rin kayo humihingi ng bilyon-bilyon for NGP.”

Kabilang sa panukalang badyet ang ₱10 bilyon para sa reforestation, ₱2.3 bilyon para sa biodiversity, ₱148 milyon para sa Palawan Council for Sustainable Development, at pondo para sa air at water quality management, mining regulation, at climate adaptation.

Binatikos din ni Legarda ang umano’y patuloy na open dumpsites sa kabila ng RA 9003 at ang mababang pagsunod ng LGUs sa segregation, at binanggit ang umano’y hindi gumaganang air quality monitoring stations. “You cannot just be technical advisers… You have the power to enforce. Use it,” aniya.

Tinanong ni Legarda si DENR Secretary Raphael Lotilla sa ulat na kabilang ang Antique sa posibleng nuclear sites.

“I will block it every step of the way,” aniya. Sagot ni Lotilla, ang interagency committee sa ilalim ng DOE ang bumuo ng listahan batay sa naunang pag-aaral, at kinakailangan pa rin ang ECC mula sa DENR bago umusad ang anumang site; nauna na ring naibasura ang ilang panukala sa Antique dahil sa biodiversity at fault-line risks. “It’s a protected area… The people will not accept it,” tugon ni Legarda.

Sa pagtatapos, sinabi ni Legarda na maaaring suportahan ang badyet kung may buong pagbubunyag at beripikasyon sa aktuwal na lagay sa field. “I’m sick of pretty slides with no ground truth… You’ll get your budget—but we will require full reporting, with proof.”