DOT

LTFRB kumikilos para sa kaginhawaan, kapakanan ng mga commuter

Jun I Legaspi Oct 11, 2025
330 Views

INATASAN ni Atty. Vigor D. Mendoza II, bagong talagang Chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang lahat ng Regional Director na magsumite ng kumpletong datos ng mga prangkisang ibinigay sa buong bansa sa loob ng pitong araw. Ito ay bahagi ng kanyang pangako na pabilisin ang pagtugon sa mga suliranin sa pampublikong transportasyon, lalo na sa mga urban areas.

Ayon kay Chairman Mendoza, kailangang isumite ng mga Regional Director ang talaan ng lahat ng yunit na binigyan ng pahintulot na bumiyahe, pati na rin ang bilang ng mga aktwal na yunit na kasalukuyang nag-ooperate.

“Kailangan nating makuha ang lahat ng datos upang makapagpasya nang tama at naaayon. Makakaasa ang sambayanang Pilipino na ang mga desisyon ay batay sa datos at para sa kapakinabangan ng milyun-milyong commuter,” ani Chairman Mendoza.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., sa pansamantalang Kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Giovanni Z. Lopez, na tiyakin ang kaginhawahan at kapakanan ng mga commuter.

“Sobra na ang dinaranas ng ating mga kababayan sa araw-araw na pag-commute—mula sa pagpasok sa trabaho at paaralan hanggang sa pag-uwi. Gusto nating mapabilis ang aksyon,” dagdag pa ni Mendoza.

Binigyang-diin ni Chairman Mendoza na ang unang hakbang sa pagbibigay ng solusyon sa mga problema sa transportasyon ay ang pagkakaroon ng tamang datos.

Bagamat tila imposibleng gawain, ipinaalala ni Chairman Mendoza ang kanyang tagumpay sa Land Transportation Office (LTO) kung saan nalutas niya ang 11-taong backlog sa mga plaka ng sasakyan sa loob lamang ng dalawang taon, sa tulong at suporta ni Pangulong Marcos.

Bukod sa backlog ng plaka, naging susi rin si Chairman Mendoza sa pagresolba ng kakulangan sa plastic cards para sa driver’s license at security paper para sa mga dokumento ng LTO.

Ngayon sa LTFRB, ipinangako ni Chairman Mendoza na dadalhin niya ang parehong dedikasyon at pokus para sa kapakanan ng mga commuter.

“Buong suporta ng ating Pangulo ang anumang hakbang na magpapagaan sa buhay ng mga commuter. Sa panig ng LTFRB, titiyakin natin na sa Bagong Pilipinas, ang mga commuter ang panalo sa maayos at serbisyong tapat,” pagtatapos ni Chairman Mendoza.