Rep. Mika Nueva Ecija Rep. Mika Suansing, tagapangulo ng House Committee on Appropriations

Inaprubahan ng Kamara ang GAB sa Ikatlo at Pinal na Pagbasa

350 Views

SA botong 287 pabor, 12 tutol, at dalawang abstensyon, inaprubahan ng House of Representatives nitong Lunes ang panukalang 2026 General Appropriations Bill (GAB) na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon sa ikatlo at pinal na pagbasa.

Inaasahang ipapasa ng Kamara sa Senado ang GAB sa ilalim ng House Bill (HB) Blg. 4058.

Ayon kay Nueva Ecija Rep. Mika Suansing, tagapangulo ng House Committee on Appropriations, may dagdag na alokasyong ₱56.6 bilyon para sa sektor ng edukasyon at tinanggal naman ang ₱35.86 bilyong Unprogrammed Appropriations na dating inilaan para sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Dahil dito, umabot na sa ₱1.28 trilyon ang kabuuang badyet ng sektor ng edukasyon — ang “pinakamataas na badyet sa kasaysayan” para sa edukasyon.

“Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, nalampasan natin ang 4% international benchmark — at hindi lang ‘yan, ang kasalukuyang badyet sa edukasyon ay katumbas ng 4.1% ng GDP,” ayon kay Suansing.

Para naman sa sektor ng kalusugan, sinabi ni Suansing na nagdagdag ang Kamara ng ₱90.7 bilyon, kaya’t umabot sa ₱411.2 bilyon ang kabuuang badyet ng sektor.

Kabilang dito ang dagdag na ₱60 bilyon para sa subsidiya ng PhilHealth, na nagdala sa kabuuang alokasyon nito sa ₱113 bilyon.

Dagdag pa ni Suansing, naglaan din ang Kamara ng karagdagang ₱53.7 bilyon para sa sektor ng agrikultura, na ngayo’y may kabuuang badyet na ₱292.9 bilyon.

Sa halagang ito, ₱10 bilyon ang ilalaan para sa Presidential Assistance para sa mga Magsasaka at Mangingisda, habang ₱74.5 bilyon naman ang nakatakdang gamitin sa pagpapagawa at pagkukumpuni ng mga farm-to-market roads at mga pasilidad ng irigasyon.

“Tinanggal na po ng Kongreso ang imprastruktura sa listahan ng mga pwedeng paggamitan ng Unprogrammed Appropriations — partikular, mula sa dating tinatawag na SAGIP. Ito ay hakbang ng Kongreso laban sa posibleng pang-aabuso ng Unprogrammed Appropriations,” sabi ni Suansing.

“Nais ko pong bigyang-diin na hindi rin po kasama ang Unprogrammed Appropriations sa P6.793 trilyong pambansang badyet. Sa kasalukuyan, wala pong pondo ang Unprogrammed Appropriations. Mapopondohan lamang ito kung may sobra o bagong kita ang gobyerno sa susunod na taon,” dagdag pa niya.

Noong Biyernes sa sesyon ng plenaryo, inaprubahan ng Kamara ang mosyon ni Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na tanggapin, sa pamamagitan ng substitution, ang mga amyendang inirekomenda ng Budget Amendment Review Subcommittee (BARSC).