Calendar
Pagiging bukas ng Kamara sa mga konstraktibong kritisismo ng publiko suportado ni Vargas
SINUSUPORTAHAN ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas ang naging pahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na bukas ang Kamara de Representantes sa lahat konstraktibong kritisismo mula sa publiko.
Sinabi ni Vargas na ang pahayag ni Speaker Dy ay nangangahulugan lamang na ang Kamara ay hindi balat-sibuyas sa pamumuna ng mamamayang Pilipino kung saan ito ang magsisilbing gabay ng House leadership upang maituwid ang anomang pagkakamali na nagagawa ng ilang kongresista.
Ayon sa mambabatas, napakahalaga ang pagpuna o constructive criticism ng publiko para malaman ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang mga nagagawa nilang pagkakamali kung sakaling mayroon man lalo na sa mga mahahalagang issue.
Ipinaliwanag pa ni Vargas na sa pamamagitan ng mga constructive criticism hindi lamang nito maitutuwid ang mga pagkakamali ng sinomang kongresista. Ito aniya ay magsisilbing pamamaraan din para unti-unting maibalik ang tiwala ng publiko sa mg mambabatas.
Aminado si Vargas na nagsilbing malaking dagok para sa Kamara de Representantes ang pagsambulat ng kontrobersiya at eskandalo sa flood control projects kung saan nakaladkad ang pangalan ng ilang mambabatas dahil sa mga maling akusasyon.
Samantala, nagpahayag naman si Vargas ng isang taos-pusong pagpupugay sa lahat ng kawani ng Quezon City government na patuloy na naglilingkod na may katapatan, malasakit kahusayan para sa mga komunidad.
Ang mensahe ng kongresista ay kaugnay sa nakalipas na selebrasyon ng “Local Government Day” kung saan ipinaabot din nito ang kaniyang lubos na pasasalamat para sa mga kawani ng QC government.
“Bilang inyong lingkod. Lubos ang aking pasasalamat at paghanga sa inyong dedikasyon at sakripisyo para sa kapakanan ng bawat mamamayan. Nawa’y manatiling buhay sa ating puso ang diwa ng bayanihan at tunay na pagmamahal sa ating mga kababayan,” sabi ni Vargas.

