COA

Resulta ng COA probe sa auditor ipinangakong ipaparating sa Senado

308 Views

NANAWAGAN si Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng agarang imbestigasyon laban sa mga resident auditor nito na umano’y sangkot sa mga ‘ghost’ o di-umiiral na flood control projects, kasabay ng pagtalakay sa panukalang P13.595 bilyong badyet ng COA para sa 2026.

Ang panawagan ay ginawa ni Ejercito sa pagdinig ng Senate Committee on Finance Subcommittee E noong mismong budget hearing, sa pamumuno ni Senador Sherwin Gatchalian. Dumalo sina COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba at Commissioner Douglas Michael N. Mallillin, kasama ang 13 assistant commissioners mula sa iba’t ibang sektor ng ahensya.

Tinukoy ni Ejercito ang First District Engineering Offices sa Bulacan at Mindoro na umano’y konektado sa mga iregular o hindi naisagawang proyekto. “This is not only DPWH, but of course, sila po talaga ‘yung primary agency that really undertook or implemented these substandard or ghost projects, kasama ‘yung proponents. But the DBM was also mentioned, may kasama sa DBM, meron din sa COA,” aniya.

Dagdag pa niya, “I hope that you would investigate, at nanggaling na rin mismo sa DPWH officials in this First District and Engineering Office na kasama po ang DBM and COA doon po sa kanilang kolusyon o sabwatan dito.”

Tiniyak ni Chairperson Cordoba na iniimbestigahan na ng Fraud Audit Office ng COA ang isyu. “Your Honor, the resident auditors are under the supervision of the Fraud Audit Office… these are being looked into,” ani Cordoba, na sinabing ipapaabot sa Senado ang anumang resulta ng imbestigasyon.

Kabilang sa mga dumalo sa pagdinig si Assistant Commissioner Bresilo R. Sabaldan, pinuno ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office, bilang bahagi ng pagtutok ng COA sa internal na pananagutan.

Pinuri ni Ejercito ang paggamit ng COA ng geo-tagging at satellite imagery sa beripikasyon ng mga proyekto. “Mas malaki ang magiging papel niyo dito because of the geo-tagging. With geo-tagging kasi, malaking bagay ito dahil hindi niyo na madodoktor ito. Dahil ito ay satellite-driven na.”

Aniya, dapat itong gawing pamantayan sa pagpapatunay ng aktwal na proyektong isinasagawa. “Itong geo-tagging… malaking bagay para sa ating bansa.”

Sa pagtatapos ng kanyang interpellation, iginiit ni Ejercito ang galit ng publiko sa mga ganitong katiwalian at hinikayat ang COA na agad kumilos. “We have confidence in Chairperson Cordoba and the rest of the COA family. I hope that you can really help us in this scandal and scam… talagang galit ang taong bayan dito.”