Sunog

Mga kaanak hinahanap binti ng 1 sa 3 batang namatay sa sunog

372 Views

BINALIKAN ng mga kaanak ng biktima ang lugar kung saan nasunog ang tatlong magkakapatid na menor de-edad sa Barangay Sto. Domingo sa Quezon City.

Ayon sa mga kaanak ng mga nasawing bata, bumalik sila dahil ayon sa punerarya na magsasagawa ng cremation sa mga labi ng mga biktima ay may nawawalang bahagi ng katawan ng isa sa mga bata.

Nawawala diumano ang binti ng isa sa tatlong nasawi.

Tanging pader na lang ang natira sa tatlong palapag na tinitirhan ng mga biktima.

“Umaasa kami na itong nakita namin dito ay ang nawawalang parte ng katawan ng pamangkin ko,” ayon sa tiyuhin ng mga biktima.

Ayon sa barangay, nasa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan at pansamantalang tumutuloy sa evacuation center sa Sto. Domingo Parish.

Noong Martes ay natagpuan ang labi ng magkakapatid na sina alyas Matthew, 10; Zach, 7; at Zarah, 5, sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay sa P. Florentino Street, Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.

Bandang alas-11:03 noong Oktubre 14 nang magsimula ang sunog sa unang palapag ng tahanan ng mga biktima na noon ay natutulog umano.

Sinabi ng nanay ng mga bata, kasama ang kaniyang mister ay nagtungo siya sa Fabella Hospital sa Maynila upang asikasuhin ang medical examination ng kaniyang ina na may sakit.

Giit niya, natutulog ang kaniyang mga anak sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan at hindi naman umano niya naisip na magkakaroon ng sunog.

Pawang nakalabas naman sa kanilang tahanan ang iba pang residente sa nasusunog na gusali na pag-aari umano ng Mitra family.

Sasagutin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang burol hanggang cremation ng tatlong bata na nasawi sa sunog.

Magbibigay rin sila ng psychosocial intervention para sa naulilang pamilya ng mga biktima upang suportahan ang kanilang pagbangon mula sa naturang sakuna.

Samantala, magbibigay rin ang lokal na pamahalaan ng tulong pinansyal at disaster relief package sa lahat ng nasunugan, at pag-aaralan nila ang posibilidad na mairekomenda ang mga ito sa Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).