Calendar
Hiling ni Cayetano: Tulungan mga Pinoy na apektado ng US immigration crackdown
NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Department of Foreign Affairs (DFA) na paigtingin ang mga diplomatikong hakbang upang matulungan ang mga Pilipino sa Estados Unidos na apektado ng mga immigration crackdown na nag-ugat sa mga patakaran ng Trump-era Immigration and Customs Enforcement (ICE).
“We (the US and Philippines) have permanent interests. Our relationships matter. We must always have a solution,” ani Cayetano, dating kalihim ng DFA, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng diplomasya sa pangangalaga sa kapakanan ng mga kababayan sa ibang bansa.
Ipinahayag niya ito sa pagdinig ng Senate Committee on Finance Subcommittee I noong Oktubre 14 kaugnay ng panukalang 2026 budget ng DFA, kung saan iniulat ng ahensya na patuloy ang kanilang tulong sa tinatayang 250,000 hanggang 300,000 Pilipino sa US na nanganganib ma-deport.
Tinalakay rin sa pagdinig ang tulong na ibinibigay sa mga marinong Pilipino na nakakulong kahit kumpleto ang kanilang mga dokumento, gayundin ang koordinasyon ng DFA at Department of Migrant Workers (DMW) para sa legal at repatriation assistance, at ang epekto ng bagong dagdag-bayad sa H-1B visa. Ayon sa ulat, may 5,248 Pilipino ang nag-apply para sa naturang visa noong 2024.
Nauna nang umapela si Cayetano kay bagong talagang Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro — na tinawag niyang “very able career diplomat”— na gamitin ang kanyang karanasan at mga koneksyon sa labas ng bansa sa pagharap sa maseselang isyung panlabas, lalo na yaong may kinalaman sa mga Pilipino sa Amerika.
“Our dear incoming Secretary has a lot of relationships. Aasa po kami sa inyo… Because in diplomacy, unlike politics, it’s not a zero sum game,” pahayag ni Cayetano.

