Calendar
Prosecutor General Richard Anthony Fadullon.. DOJ photo
Walang karapatang magtakda ng kundisyon ang mag-asawang Discaya — DOJ
WALA sa posisyon ang mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya para magtakda ng anumang kundisyon upang maging state witnesses, ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon nitong Huwebes.
“Sa tingin ko, wala sila sa posisyon para magtakda ng kahit anong kondisyon sa ngayon. Naghain sila ng aplikasyon para sa witness protection coverage. At may sarili kaming proseso para matukoy kung kwalipikado sila o hindi,” ani Fadullon sa panayam ng mga mamamahayag.
“Hindi puwedeng idikta ng kahit sino kung paano namin isasagawa ang aming pagsusuri. Hindi rin sila puwedeng mag-impose ng kundisyon. Sa katunayan, kami ang magsasagawa ng evaluation at magpapasya kung tatanggapin ba sila sa programa o hindi,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga kinakailangan upang maging kwalipikado sa Witness Protection Program ang kaunti o minimal na partisipasyon ng isang aplikanteng testigo sa mga kasong kriminal na kanyang sasaksihan, ang kahandaang makipagtulungan nang buo sa pagbibigay ng impormasyon, at ang pagsasauli ng anumang pondong pampubliko na natanggap.
“Kapag nage-evaluate ka kasi, hindi puwedeng sabihin na, ‘kaliwaan tayo.’ Tipong, ‘Magbibigay ako ng statement, bigyan niyo kami ng seguridad,’” aniya.
Ipinaliwanag pa ni Fadullon na ang isang state witness ay kailangang makapagbigay ng detalyado at kumpletong salaysay na makakatulong sa prosekusyon ng kaso.
“Sapat na ba na banggitin mo lang ang mga pangalan? Sapat na ba na sabihin mo lang ang halaga ng perang ibinigay sa ilang tao? Dapat kaya mong patunayan ’yan at ilahad ang mga detalye. Saan nangyari ‘yan? Sino ang kausap ninyo? Paano ito ibinigay — cash ba o bank transfer?” dagdag pa niya.
“Lahat ng ito ay tinatanong o itatanong para matukoy kung mapagkakatiwalaan sila. Dahil hindi ka puwedeng basta-basta na lang magbabanggit ng mga pangalan nang walang dokumento o ebidensiyang magpapatunay. Ang iniisip kasi ng iba, blanket immunity na agad,” paliwanag pa ni Fadullon.
Samantala, sinabi rin niyang wala pang pormal na pahayag ang mag-asawang Discaya sa Department of Justice (DOJ) ukol sa balitang hindi na sila interesadong makipagtulungan sa pamahalaan, gaya ng unang iniulat ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
“Nabigla kami, pero sa panig ng departamento, wala pa kaming natatanggap na pahiwatig na hindi na sila magpapatuloy sa pakikipag-usap sa amin,” ani Fadullon. Philippine News Agency

