Calendar
Paglilinis sa Manila North, South cemetery hanggang Oct 27
NAGPAALALA ang Maynila sa mga bibisita sa puntod ng namatay nilang kaanak sa Manila North at South Cemetery na hanggang Oktubre 27 lang ang huling araw ng paglilinis ng puntod at Oktubre 28 ang huling araw ng libing.
Simula sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2025 ipagbabawal na ang pagpasok ng lahat ng sasakyan kasama ang mga motorsiklo, e-bike, e-trike, bisikleta, scooter at monocycle.
Upang mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at kaligtasan ng publiko, ipinagbabawal sa loob ng dalawang kampo santo ang pagdadala ng baril, kutsilyo at cutter, lahat ng nakalalasing na inumin, hayop, gitara, sound system, speaker at mga madaling magliyab tulad ng alkohol at thinner.
Bukas ang dalawang sementeryo mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2 mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi.

