Calendar
Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon
Ridon sa DFA: Passport di pwede ikansela ng walang court order
HINDI maaaring kanselahin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte ng sinumang indibidwal ― maging si dating presidential spokesperson Harry Roque o dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ― nang walang kautusan mula sa korte, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon nitong Sabado.
“Kahit sino pa ‘yan, si Zaldy Co man o si Harry Roque, hindi puwedeng magkansela ng pasaporte ang DFA nang walang court order,” sinabi ni Ridon, ang overall chairperson ng House infrastructure committee at miyembro ng House committee on foreign affairs.
Binigyang-diin ni Ridon, na chairperson din ng House committee on public accounts, na wala sa Konstitusyon o sa Philippine Passport Act ang kapangyarihang iyon.
“Wala sa Konstitusyon, wala sa Passport Act,” aniya.
Ayon sa lider ng Kamara, dapat sundin ng DFA ang mga itinakdang proseso sa ilalim ng Passport Act kung nais nitong kanselahin ang anumang pasaporte.
“Para maproseso ang pagkakansela ng mga pasaporte nilang dalawa, kailangan lang sundin ang proseso sa Passport Act ― kasuhan si Zaldy Co at ipatupad ang arrest warrant ni Harry Roque,” paliwanag ni Ridon.

