Nutrisyon Source: Unicef

Mga bgy iminungkahing maging katuwang ng gobyerno sa paglaban sa malnutrisyon

239 Views

NANAWAGAN si Sen. JV Ejercito sa pamahalaan na palakasin ang mga programang pang-barangay laban sa child stunting.

Naniniwala ang senador na ang laban sa malnutrisyon at kakulangan sa early childhood care ay dapat magsimula sa pinakamababang antas ng pamahalaan.

Pinangunahan ni Ejercito ng pagdinig sa panukalang P287.48 bilyong badyet ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa 2026 kung saan binigyang-diin niya ang malaking papel ng ahensya sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga barangay.

“Ang inyong ahensya ay susi upang maging matatag ang ating mga local government units at mga komunidad. If barangays are strong, the nation is strong,” sabi ng senador

Ipinunto ng senador na dapat maging katuwang ng pambansang pamahalaan ang mga barangay sa paglaban sa malnutrisyon.

“Kapag malakas ang barangay, malakas ang bansa. Dapat silang maging frontline hindi lang sa peace and order kundi pati sa kalusugan at edukasyon ng mga bata,” sabi ni Ejercito.

Lumabas sa pagdinig na may 3,810 barangay sa bansa ang walang daycare centers.

Sinang-ayunan ni Sen. Alan Peter Cayetano ang panawagan ni Ejercito at binigyang-diin ang pangangailangang palakasin ang barangay sa larangan ng nutrisyon at early childhood care.

“Marami sa stunted na bata ang magiging future PWDs. The more that we take care of the stunting now, the less we have to spend later on,” wika ni Cayetano.

Idinagdag ni Cayetano na dapat suportahan ang mga barangay health worker at bigyan sila ng sapat na sahod at pagsasanay upang makapagpatupad ng mga programa.

“As frontline health providers in their communities, they (BHWs) serve as the crucial link between government health services and the people. There shall be priority for the needs of the children,” sabi ni Sen. Cayetano.

Sinabi naman ni Interior Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla na nakahanda ang DILG na suportahan ang pagpapalakas ng mga barangay sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan.

“The barangay is the government’s first responder and last line of defense. We want to equip them to nurture children and build healthy communities,” sabi ni Remulla.

Binigyang-diin ni Ejercito na ang child stunting ay hindi lamang usapin ng kalusugan kundi ng pamamahala.

“Child stunting is not only a health issue—it’s a governance issue. Investing in barangays means investing in our people’s future,” aniya.