SHS

CSC inudyok na magbukas ng oportunidad sa trabaho para sa SHS

356 Views

HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Civil Service Commission (CSC) na magbukas ng maraming oportunidad sa trabaho para sa mga senior high school (SHS) graduates at iginiit na dapat manguna ang gobyerno sa pagpapatupad ng layunin ng K-12 program.

Sinabi ni Gatchalian na tila mismong gobyerno ang hindi tumutupad sa batas na ipinasa nito.

“Gobyerno ang lumabag sa K to 12 Law dahil hindi tayo tumatanggap ng senior high school graduates.

Wala tayong service standards para sa mga K to 12 graduates. Tayo ang nag-mandato sa mga kababayan ng K to 12, pero tayo namang gobyerno ang hindi kumukuha ng senior high school graduates,” sabi ni Gatchalian.

Dumalo sa pagdinig sina CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap, Commissioners Ryan Alvin Acosta at Luis Meinrado Pañgulayan at CESB Chairperson Urdujah Gaerlan-Alvarado.

Ipinahayag ni Yap na inamyendahan na ng CSC ang educational qualification standards para sa mga first-level positions upang maisama ang mga junior at senior high school graduates.

“We amended the educational requirements for first-level positions to enable junior and senior high school graduates to qualify for these positions,” paliwanag niya.

Ang mga naturang posisyon ay tumutukoy sa mga clerical, administrative at records assistance roles sa iba’t-ibang tanggapan ng gobyerno.

Gayunman, kailangan pa ring makapasa ang mga SHS graduates sa Sub-Professional Level ng Civil Service Examination.

Ayon kay Yap, may tinatayang 83,000 bakanteng first-level positions sa gobyerno na maaaring pasukan ng mga kwalipikadong SHS graduates. Idinagdag niya na ipinatutupad din ng CSC ang preferential rating system na nagbibigay ng dagdag na sampung puntos sa exam para sa mga job order, contract of service workers at uniformed personnel bilang hakbang sa mas inklusibong recruitment.

Inihayag naman ni Gatchalian na sa ilalim ng kanyang panukalang Batang Magaling Act, magiging bahagi ng qualification standards ng CSC ang mga kasanayan ng SHS graduates upang mabigyan sila ng patas na pagkakataon sa serbisyo publiko.