Scholarship program dapat baguhin ng CHED

302 Views

NANAWAGAN ang mga senador sa Commission on Higher Education (CHED) na baguhin ang sistema ng scholarship nito at ituon ang pondo ng gobyerno sa mga kursong makapupuno sa mga kakulangan ng bansa gaya ng psychology, guidance counseling, at STEM teaching.

Ayon sa mga senador, ang bagong sistema ng scholarship kasabay ng plano ng CHED na ipatupad ang demand-based at data-driven scholarships.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2026 budget ng CHED, pinangunahan ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian ang panawagan na gamitin ang P13.4 bilyong “wish list” ng ahensiya upang pondohan ang mga kursong kailangan ng ekonomiya.

Sinabi ni Gatchalian na ang mga demand-based scholarship gaya ng para sa psychologist, guidance counselor at STEM teacher dapat magmula sa koordinasyon ng DepEd-CHED-TESDA MANCOM.

“We need to make sure na ang pondo sa scholarships ay tumutugon sa demand ng industriya at ng ekonomiya, hindi lang basta pantawid-tuition,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan na ayusin muna ng CHED ang mga TES irregularities na tinukoy ng Commission on Audit. “Before we even talk about new models, fix the data integrity first,” dagdag ni Gatchalian.

Suportado ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang panukala pero dapat manatiling bukas ang oportunidad para sa mga estudyanteng nasa non-priority courses.

Hiniling naman ni Sen. Pia Cayetano na maisama ang mga teacher education at health-related programs sa listahan ng mga prayoridad, habang iminungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano na palawakin pa ang depinisyon ng “demand” upang masaklaw ang mga kursong pang-halaga at pang-pagkamamamayan.

Ayon kay CHED Chairperson Shirley C. Agrupis, nakabatay ang mga polisiya ng komisyon sa demand-driven human-capital strategy sa ilalim ng ACHIEVE framework.

“We’re shifting scholarships to become demand-based, meaning naka-angkla sa mga skills na hinahanap ng industriya, lalo na sa tech-voc, agri-industrial, at digital sectors,” paliwanag niya.

Ipinunto ni Agrupis na katuwang nila ang DOLE, TESDA, DTI, at DOT sa pagpapatupad ng Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program, na gumagamit ng real-time analytics upang matukoy ang mga kursong kailangan sa bawat rehiyon.

Kinumpirma rin ng CHED na nakapaloob na sa kanilang “priority areas” ang mga kritikal na larangan, ngunit kailangan pa ng mas malaking pondo upang matugunan ang mga kakulangang tinukoy ng EDCOM II.