Calendar
GSIS itinanggi mga paratang, nagbigay ng pahayag ukol sa katotohanan
NAGBIGAY ng pahayag ang Government Service Insurance System ukol sa mga isyung pinupukol sa nasabing ahensiya.
Narito ang buong pahayag:
Para sa aming mga dedikadong guro at sa lahat ng miyembro ng GSIS:
Nakarating po sa amin ang inyong mga alalahanin. Ang inyong tiwala ang aming pinakamahalagang yaman, at naninindigan kami sa aming tungkuling protektahan ang pondong nagsisiguro ng inyong kinabukasan.
Ang mga paratang na kumakalat ay base sa hindi kumpletong impormasyon. Nais naming maging direkta at malinaw sa paglalahad ng katotohanan.
Ang sinasabing “₱8.8-billion loss” ay walang batayan. Ang numerong ito ay hindi umiiral sa anumang opisyal na talaan ng pananalapi ng GSIS.
Mahigpit at maingat ang aming proseso sa pamumuhunan. Bawat investment ay dumadaan sa masusing pagsusuri at risk assessment, at sumusunod sa lahat ng batas at regulasyon. Namuhunan kami sa isang publicly listed holding company, hindi sa isang kumpanyang nagpapatakbo ng sugal.
Matatag ang aming performance at ligtas ang ating pondo. Normal ang pagbabago sa merkado, ngunit ang aming portfolio ay dinisenyo para sa katatagan at pangmatagalang paglago. Ang mga opisyal na numero ang nagpapatunay nito.
Nang tayo ay nagsimula noong July 2022, ang pondo ng GSIS ay ₱1.53 trillion. As of August 2025, ito ay nasa ₱1.92 trillion na, humigit na ₱400 billion increase. Ang net income as of August 2025 po, ay ₱100.02 Billion at ang fund life ay ligtas hanggang 2058.
Ang patunay ng ating kalusugang pampinansyal ay ang aming tuloy-tuloy at walang patid na serbisyo. Patuloy naming naibibigay ang lahat ng benepisyo at pautang sa ating mga miyembro sa tamang oras at walang palya.
Hinihikayat namin ang lahat ng aming miyembro na manalig lamang sa mga opisyal na anunsyo at beripikadong datos.
Ang GSIS ay pag-aari ninyo, ng aming mga miyembro. Ang aming nag-iisang misyon ay pangalagaan ang inyong mga kontribusyon at ihatid ang mga benepisyong nararapat para sa inyo. Mananatili kaming matatag sa aming tungkulin na panatilihin ang integridad ng pondo at siguruhing ito ay laging malakas at matatag para sa mga susunod na henerasyon.

