BFP

LGUs na walang fire stations pinapanagot

210 Views

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa Bureau of Fire Protection (BFP) at sa mga lokal na pamahalaan na agad tugunan ang malaking kakulangan sa serbisyo — ang kawalan ng mga fire station sa ilang bayan sa bansa.

“Ito ay isang basic government service. Unahin natin ito, para makumpleto na tayo,” diin ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado para sa panukalang badyet ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga attached agencies nito.

Batay sa datos ng BFP, 65 na LGU sa buong bansa ang wala pang sariling fire station, kung saan 47 ay matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay Gatchalian, malinaw itong patunay ng hindi pantay na pagpapatupad ng mga pangunahing serbisyo sa seguridad ng publiko.

Inamin ni BFP Chief Jesus Fernandez na naaantala ang konstruksyon ng mga istasyon dahil marami pang LGU ang hindi nakapagtatalaga o nakakapag-turn over ng lupang pagtatayuan—isang pangunahing kondisyon bago mailabas ang pondo.

Hinimok ni Gatchalian ang BFP na maging mas masigasig sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at iulat kung aling mga LGU ang hindi pa nakasusunod. “Ang proteksyon laban sa sunog ay hindi opsyonal. Bahagi ito ng tungkulin ng pamahalaan sa mamamayan,” aniya.

Dagdag pa ng senador, maaari ring gamitin ang mga fire truck sa paglilinis at pagtugon sa mga sakuna gaya ng pagbaha. Ipinanawagan niya na maglatag ang BFP ng malinaw na “compliance map” upang matukoy kung aling mga LGU na ang nakapag-donate ng lupa at kung alin ang hindi pa, upang matiyak na pantay ang serbisyo sa lahat ng komunidad.