Calendar
Ang mga labi ng mga biktima makaraang maiahon ng mga tauhan ng MDRRMO sa kanilang kubo na binagsakan ng puno.
Larawan ni GEMI FORMARAN
5 patay matapos bumagsak puno ng buli sa kubo
POTOGO, Quezon – Lima ang nasawi at isa ang bahagyang nasugatan sa kalakasan ng hangin dulot ng bagyong Ramil, matapos na bumagsak ang isang puno ng buli sa kanilang tahanan sa Barangay Cawayanin sa bayang ito Linggo ng umaga.
Kinilala ni Major Bashmeer Hamin, hepe ng pulisya, ang mga nasawing biktima na isang 66-anyos na lolo, ang kanyang 35-anyos na anak na si alyas “Andrea” at 35-anyos din na asawa nitong si alyas “Alvin,” at mga anak ng mag-asawa na edad 11 taong gulang at 5 buwang gulang.
Gayunman, mapalad na nakaligtas sa trahedya ang 18-anyos na panganay nilang anak na lalaki na nagtamo lamang ng mababaw na sugat sa hita, ayon kay Hamin.
“Mabuti na lamang po at nagbago ako ng posisyon sa paghiga sa tabi ni lolo…dahil nilamig ako,” wika umano ng binatilyo.
Ayon sa imbestigador na si PSSG Bryan Seredio, naganap ang insidente bandang alas-5 ng umaga sa kasagsagan ng malakas na hangin na dala ng bagyo.
Bigla umanong natumba ang isang malaking puno ng buli at bumagsak eksakto sa kubo kung saan natutulog ang mga biktima.
“Maliban po sa malakas na hangin ang tumama, marupok na talaga ‘yung puno ng buli dahil sinunog ‘yon ng mga taga roon para mabuwal na,” wika ni Seredio.
Matapos ang insidente, kaagad umanong humingi ng tulong ang nakaligtas na binatilyo sa pulisya na mabilis namang nagresponde sa lugar kasama ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Mangement Office (MDRRMO).
Ni GEMI FORMARAN

