Bernos1

Mas mabigat na parusa vs gender-based sexual harassment hiniling mula Kamara

277 Views

HABANG dumarami ang mga kaso ng sexual harassment na naiuulat sa bansa, nananawagan si Solid North Party-list Representative Ching Bernos sa Kongreso na amyendahan ang Safe Spaces Act upang magpatupad ng mas mabigat na parusa sa mga lumalabag dito.

“Nakakalungkot na sa loob ng tatlumpung taon mula nang maipasa ang Anti-Sexual Harassment Act, at pitong taon matapos maisabatas ang Safe Spaces Act, tila napakalayo pa rin ng ating lalakbayin,” pahayag ni Bernos.

“Tila ba nawawalan ng silbi ang batas na dapat ay pumoprotekta laban sa pang-aabuso, dahil patuloy pa rin ang mga ulat ng harassment. At ang masaklap na katotohanan ay kung kaunti lang ang lumalabas na kaso, tiyak na mas marami ang biktimang nananahimik at hindi nagsusumbong dahil sa takot,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang linggo, inakusahan ni Manila District 4 Councilor Eunice Castro ang isa pang konsehal ng lungsod ng sexual harassment. Mas maaga ngayong taon, isang opisyal ng Philippine National Police Academy ang inakusahan ng umano’y sexual harassment sa isang kadete, habang isang mataas na opisyal ng militar naman ang napaulat na nang-harass sa dalawang junior officers.

Ang panukala ni Bernos, ang House Bill No. 3118, ay naglalayong magpataw ng mas mabigat na parusa sa gender-based sexual harassment sa mga institusyong pang-edukasyon, pagsasanay, at sa mga lugar ng trabaho.

Ayon kay Bernos, ang kasalukuyang parusa sa ilalim ng batas ay hindi sapat upang pigilan ang mga lumalabag, at nararapat na mas mabigat ito lalo na’t malaki ang pinsalang idinudulot ng sexual harassment sa mga biktima.

Bilang solusyon, isinusulong ng mambabatas ang parusang prisión correccional sa pinakamataas na antas nito, o multang hindi bababa sa ₱250,000 hanggang ₱500,000, o pareho, para sa mga napatunayang nagkasala ng gender-based sexual harassment sa mga lugar ng trabaho at institusyong pang-edukasyon o pagsasanay.

Ang mga lumalabag na nasa posisyon ng kapangyarihan sa loob ng organisasyon o opisina ay tatanggalan ng appointment kapag napatunayang nagkasala; habang ang mga dayuhan na gumawa ng sexual harassment ay ipa-de-deport pagkatapos mapatawan ng parusa at/o makapagbayad ng multa.

Samantala, ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na mapapatunayang nag-udyok, nagpalaganap, o nagpahayag ng sexual harassment, misogynistic, transphobic, homophobic, at sexist na pahayag — sa salita, sulat, o social media — ay papatawan ng mga sumusunod na parusa:

Sa unang paglabag: multa na mula ₱100,000 hanggang ₱200,000, sapilitang suspensyon mula sa serbisyo nang hindi bababa sa anim na buwan na walang sahod, at obligadong pagdalo sa gender-sensitivity at anti-harassment training program na sertipikado ng isang akreditadong institusyon.

Kung maulit ang paglabag: multa na mula ₱200,000 hanggang ₱300,000, sapilitang pagtanggal sa posisyon, diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno (halal man o itinalaga), sa loob ng hindi bababa sa limang taon, at permanenteng rekord ng paglabag na nakatala sa mga kredensyal ng serbisyo publiko. Hindi rin makakatanggap ng anumang benepisyo na may kaugnayan sa dating posisyon.

Ang mga lalabag ay obligadong maglabas ng pampublikong paghingi ng tawad sa mga biktima at sa publiko, bilang pagkilala sa kanilang pagkakamali at pagpapakita ng muling pagtanggap sa mga prinsipyo ng Safe Spaces Act.