SALN

SALN isinapubliko ni Risa Hontiveros

406 Views

SALN1P18.9M net worth idineklara

BUKAS para sa taumbayan. Walang dapat itago.”

Ito ang katuwiran at pananaw kung saan ay isinapubliko ni Senadora Risa Hontiveros nitong Lunes ang kanyang opisyal na Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) para sa taong 2024, kung saan idineklara niya ang kabuuang net worth na ₱18,986,160.

Batay sa dokumento, umabot sa ₱19,884,000 ang kanyang kabuuang assets, kabilang na ang mga ari-arian at personal na pag-aari. Tanging isang car loan na nagkakahalaga ng ₱897,840 ang nakalistang liability.

Bilang Deputy Majority Leader sa Senado, matagal nang isinusulong ni Hontiveros ang mas bukas na akses ng publiko sa SALNs ng mga opisyal ng gobyerno. Muli niyang iginiit na ang dating mga limitasyon ay “hindi makatarungan, labag sa konstitusyon, at kontra sa interes ng mamamayan.”

Ayon sa kanya, ang pagbubukas ng SALN ay isang konkretong hakbang para palakasin ang pananagutan at linisin ang pamahalaan sa gitna ng mga akusasyon ng korapsyon.

Ang kanyang SALN ay maaaring makuha mula sa kanyang tanggapan, alinsunod sa bagong panuntunan. Ang mga sensitibong detalye tulad ng address at pirma ay tinanggal mula sa dokumento bilang pagsunod sa mga patakaran sa data privacy.

Ang hakbang ay kasunod ng bagong kautusan mula kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nagpapawalang-bisa sa 2020 memo ng dating Ombudsman na si Samuel Martires. Sa ilalim ng bagong polisiya, hindi na kinakailangan ang pahintulot ng opisyal para ma-access ng publiko ang kanilang SALN.

Itinuturing na ito ang isa sa mga unang boluntaryong paglalabas ng SALN sa gitna ng bagong panuntunan.