Loren

TESDA Modernization Act maghahanda sa manggagawang Pilipino para sa hinaharap

477 Views

ISINUSULONG ni Senador Loren Legarda ang TESDA Modernization Act of 2025 upang baguhin at palakasin ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), na halos tatlong dekada nang hindi nababago mula nang maitatag ito noong 1994.

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, inihain ni Legarda ang Senate Bill No. 1413 upang iayon ang TESDA sa mga prinsipyong tumutugon sa lifelong learning, mas mataas na antas ng kasanayan, at isang dekalidad na workforce ng mga Pilipino.

“Dapat may sapat na kakayahan ang ating mga kababayan upang makasabay sa mabilis na pagbabago sa mga trabaho,” ani Legarda. “Sa panukalang ito, masisiguro nating makapagbibigay ang TESDA ng mataas na kalidad at makabuluhang training na makatutulong sa mga Pilipino para sa mas maganda nilang kinabukasan.”

Nakasaad sa panukalang batas ang pagbuo ng Board of Advisers bilang pangunahing tagapayo at tagapangasiwa ng mga polisiya ng TESDA. Bubuuin ito ng Director General, mga kalihim ng ilang pangunahing kagawaran, Chairperson ng Commission on Higher Education (CHED), at mga kinatawan mula sa pribadong sektor.

Bibigyan din ng ranggong Secretary ang Director General at mas malawak na kapangyarihan upang isaayos ang Technical-Vocational Education and Training (TVET) system. Kabilang dito ang pag-upgrade, pagsasanib, o pagtanggal ng mga kursong hindi na tugma sa pangangailangan ng industriya at ang pagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng kapangyarihang magsagawa ng community-based training.

Ire-reorganisa rin ang TESDA Secretariat upang magkaroon ng mga espesyal na tanggapan para sa planning, standards-setting, accreditation, enterprise-based education, at local skills development.

Kasama rin sa panukala ang paggamit ng makabagong sistema tulad ng recognition of prior learning, micro-credentials, at digital badges upang kilalanin ang mga kasanayang natutunan sa informal o non-traditional training.

Palalakasin din ang pondo ng TESDA sa pamamagitan ng mga reporma sa TESDA Development Fund, institutionalized scholarship grants, at bagong sistemang pinansyal tulad ng levy-grant scheme upang masiguro ang tuloy-tuloy na suporta sa mga programa sa pagsasanay.

“Dapat umayon ang TESDA sa mga pamantayan ng industriya,” diin ni Legarda. “Mayroon tayong isa sa mga pinakamasipag na workforce sa buong mundo. Responsibilidad nating panatilihing employable, adaptable, at handa ang ating manggagawa sa kinabukasan.”

Bilang co-chair ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) at tumanggap ng National TESDA Kabalikat Award noong 2021 sa Legislative Category, iginiit ni Legarda na patuloy niyang isinusulong ang abot-kayang teknikal na edukasyon at pangmatagalang kabuhayan.

“Ang modernisasyon ng TESDA ay tungkol sa pagbibigay ng karangalan sa pamamagitan ng trabaho,” sabi niya. “Tinitiyak nito na bawat Pilipino ay may kakayahang bumuo ng matatag at produktibong buhay.”