Ongpin1 MBC Executive Director Apa Ongpin Source: MBC

MBC Executive Director Ongpin sinabing karapat-dapat bigyan ng due process si Romualdez

296 Views

SINABI ni Makati Business Club (MBC) Executive Director Apa Ongpin na dapat tratuhin nang patas at mabigyan ng due process si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa gitna ng kontrobersya kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa mga proyekto sa flood control.

“That would not be a good outcome for us if he throws him under the bus. It has to be a fair and independent investigation,” sinabi ni Ongpin kay “At The Forefront” anchor Karen Jimeno sa Bilyonaryo News Channel.

Binigyang-diin niya na ang mga imbestigador ay dapat kumilos nang malaya sa anumang impluwensya, at ang lahat ng inaakusahan ay nararapat na mabigyan ng tamang legal na proseso.

Mariin ding tinanggihan ni Ongpin ang mga paratang na ang Office of the Ombudsman at ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay kumikilos sa utos ng Malacañang.

“They better not be. They (ICI investigators) were appointed to be impartial and they were appointed to be apolitical,” aniya.

Noong nakaraang buwan, nagbitiw si Romualdez bilang Speaker ng House of Representatives upang bigyang-daan ang “full accountability and transparency” sa gitna ng lumalawak na imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.

Nauna nang nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang sinuman ― kahit kaanak o kaalyado sa pulitika ― ang palalampasin sa kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon sa mga infrastructure program.