Magalong Dating Senador Antonio Trillanes IV, Baguio City Mayor Benjamin Magalong

Trillanes: Magalong walang ebidensiya sa mga paratang tungkol sa korapsyon

353 Views

TINAWAG ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang mga pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay ng korapsyon na pawang mga motherhood statements.

Aniya, patuloy na pumopostura si Magalong na isang anti-graft crusader ngunit wala namang naipapakitang ni katiting na ebidensiya.

Sa panayam sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, tinanong si Trillanes ng broadcast journalist na si Gerg Cahiles hinggil sa sinabi ni Magalong na hindi pa siya nagsasampa ng reklamo kaugnay ng umano’y rock netting scam sa Benguet dahil patuloy pa ang imbestigasyon.

“Somebody who’s posturing as an anti-corruption crusader, wala pa nga siyang napa-file na kaso eh, di ba? He was just pure posturing lang. Motherhood statement na parang meron na siyang ebidensiyang nakuha. Wala siyang ebidensiya nakuha, di ba? O ano ngayon ang sinasabi niya?” sagot ni Trillanes.

Sinabi ni Trillanes na bagaman dapat iwelkam ang mga pagsisikap laban sa korapsyon, kailangang tiyakin ng mga opisyal ng gobyerno na ang kanilang mga akusasyon ay may sapat na facts at dokumentasyon bago ito isapubliko.

“Sinabi niya sa akin noong 2022 when we had a conversation kung sino ‘yung nasa likod no’ng rock netting scam. Bakit hindi niya masabi ngayon?” wika ni Trillanes.

Nauna nang sinabi ni Magalong na hinihintay pa niya ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon bago magsampa ng pormal na aksyon kaugnay ng mga iregularidad umano sa proyekto ng rock netting sa Benguet.

Ayon kay Trillanes, kung may iniuugnay si Magalong sa korapsyon, dapat itong patunayan sa pamamagitan ng ebidensiya at isampa ang nararapat na kaso.

“What good is he in all these issues na lumalabas ngayon, di ba? May nasabi na ba siyang pangalan? Kung may nasabi siyang pangalan, asan ‘yung ebidensiya mo? Kung meron kang ebidensiya bakit hindi mo ifinile?” sinabi ni Trillanes.

“Ako, that’s what I did. Hindi ako huminto sa, ano lang, press release, press con, dumeretso ako sa kaso at ngayon ito na ngayon,” dagdag ni Trillanes.

“Kaya nga nakulong si Duterte dahil talagang nagkalap tayo ng mga ebidensiya at mga testigo, di ba? Gano’n lang ‘yun,” sinabi pa ni Trillanes.