Sotto

Panukalang Independent People’s Commission ni Sotto nakatanggap ng matinding suporta

250 Views

MATINDING suporta ang natatanggap nang panukala ukol sa Independent People’s Commission (IPC) ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III mula sa mga kapwa mambabatas, mga dating mahistrado, at mga dating opisyal ng pamahalaan.

Layunin ng Senate Bill No. 1215 na lumikha ng isang independenteng fact-finding body na magsisiyasat sa mga kaso ng katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, magsusumite ng kaso sa mga tamang tanggapan, at titiyak ng pananagutan sa hanay ng mga opisyal.

Bukod sa kapangyarihang magsiyasat, binibigyang-lakas din ang IPC na irekomenda ang mga testigo sa Witness Protection Program, humiling ng pag-freeze ng ari-arian, magmungkahi ng suspensyon sa mga sangkot, at magpatupad ng hold departure order laban sa mga inaakusahan.

“Hindi ko agad naisama ang ilang mahalagang probisyon tulad ng pagbubukas ng mga pagdinig sa publiko, pero ipapasok ito bilang pagtalima sa hinihingi ng taumbayan,” paliwanag ni Sotto.

“Ito ay hindi lamang para sa mga proyekto sa imprastruktura. Saklaw nito ang buong burukrasya — kailangang manaig ang katotohanan at pananagutan,” dagdag pa niya.

Kinatigan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang panukala at iginiit ang kahalagahan ng agarang pagpasa nito.

“Truth delayed is justice denied,” aniya. “Mahalagang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon.”

Binigyang-diin din ni dating Senate President Franklin Drilon na hindi pa niya nasaksihan ang ganitong antas ng katiwalian sa loob ng mahigit dalawang dekada sa Senado.

“Ito ay resulta ng kulturang walang parusa at ng kahinaan ng sistema ng hustisya,” ani Drilon. “Kailangan nating patunayan sa taumbayan na kaya pang maghatid ng hustisya ang ating demokrasya.”

Umaasa si Drilon na maipapasa ang panukala bago ang deliberasyon sa pambansang badyet.

Samantala, nagpahayag din ng suporta si dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson.

“Hindi makatarungan ang kabagalan ng proseso sa paglaban sa katiwalian,” aniya. “Kailangan natin ng mekanismong mabilis kumilos, makapagsamsam ng ari-arian, at makapagpataw agad ng kaparusahan.”

Ayon kay Sotto, hinango ang konsepto ng IPC sa Agrava at Feliciano Commissions, na parehong binuo alinsunod sa Konstitusyon upang itaguyod ang tiwala sa pamahalaan.

Nanawagan si Sotto sa Malacañang na kilalaning urgent ang SB 1215.

“Hindi ito simpleng isyu ng imprastruktura. Ito ay tungkulin natin sa taumbayan — ang ibalik ang katotohanan at pananagutan sa pamahalaan,” wika ni Sotto. “Dapat tayong kumilos ngayon.”