Calendar
Pambansang patakaran sa palay floor price iminungkahi
NANAWAGAN si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan na magtakda ng palay floor price sa lahat ng bibilhing bigas ng mga ahensya at lokal na pamahalaan upang masiguro ang tamang kita ng mga magsasaka at matulungan ang mga pamilyang umaasa sa programang rice subsidy.
Ayon kay Pangilinan, mahigit isang buwan matapos ipatupad ang rice import ban, nananatiling mababa ang presyo ng palay kaya hirap pa ring kumita ang mga magsasaka upang maibayad ang kanilang utang sa produksyon at maitustos sa pamilya. Binigyang-diin niyang kailangan ang isang pambansang patakaran sa palay floor price para maprotektahan ang kabuhayan ng mga magbubukid.
Sa ilalim ng Sagip Saka Act (Republic Act 11321), pinahihintulutan ang mga ahensya ng pamahalaan at LGU na direktang bumili ng pagkain mula sa mga magsasaka at mangingisda. Ipinunto ng senador na taon-taon ay bumibili ng bigas ang DSWD, DOH at DepEd para sa kani-kanilang programa. Sa 2025 budget ng DILG, may nakalaang ₱278 milyon para sa rice subsidy—pondo na, kung dadaan sa direktang pagbili at may palay floor price, ay mapupunta mismo sa mga magbubukid.
Hinimok ni Pangilinan na gamitin ng pamahalaan ang mungkahing palay floor price ng Amihan, KMP, Federation of Free Farmers, at National Farmers’ and Fisherfolks Movement (NAMANE), o mas mataas pa depende sa pondo, para sa lahat ng rice procurement ng gobyerno. Ayon sa kanya, titiyak ito ng kita ng mga magsasaka habang natutugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo ng tulong.
Dagdag pa ni Pangilinan, ang patas na presyo ng palay ay makatutulong hindi lamang sa mga magsasaka kundi pati sa: (1) mga pamilyang urban poor na umaasa sa subsidized rice; (2) mga komunidad sa kanayunan na nakadepende sa presyo ng ani; at (3) mga mamimiling nasa gitnang uri na apektado ng presyo at suplay ng bigas sa merkado.

