Travel Source: PNP file photo

Mag-ingat sa rental, vacation scams ngayong Undas, Kapaskuhan — PNP

294 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang proteksyon sa publiko at tiyaking ligtas at mapayapa ang bawat mamamayan, naglabas ng malakas na paalala ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga online scam, partikular sa mga pekeng online rental offers, resort accommodations, at travel packages na karaniwang dumarami tuwing mahahabang bakasyon at panahon ng kapaskuhan.

Sa pamumuno ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., inatasan ng pambansang pulisya ang lahat ng cyber units at mga lokal na istasyon ng pulis na mas paigtingin ang pagbabantay sa mga kahina-hinalang online transactions at agarang tugunan ang mga ulat ng cyber fraud na nambibiktima ng mga biyahero at pamilyang nagpa-plano ng bakasyon.

“Habang papalapit ang Undas at holiday season, marami ang nagbu-book ng bakasyon at tirahan online. Ngunit ito rin ang panahong mas nagiging aktibo ang mga scammer,” ani PLTGEN Nartatez.

“Hinihikayat namin ang lahat na tiyaking lehitimo ang mga online rental listings at travel offers bago magpadala ng bayad o personal na impormasyon. Laging i-check ang mga opisyal na website at verified pages.”

Binigyang-diin din niya ang pag-iingat sa mga modus gaya ng “rent-tangay” o “booking-tangay,” kung saan nagpapanggap ang mga scammer bilang lehitimong nagpapaupa o ahente, kukunin ang bayad sa reservation, at biglang mawawala matapos matanggap ang pera.

Samantala, nanawagan si PNP Spokesperson, Police Brigadier General Randulf T. Tuaño sa publiko na agad i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad online.

“Nagsisimula ang pag-iwas sa scam sa pagiging maalam,” ani PBGEN Tuaño. “Kapag masyadong maganda ang alok, magduda na po tayo. Makipag-ugnayan lamang sa mga verified booking platforms, at huwag mahihiyang lumapit sa PNP Anti-Cybercrime Group para sa tulong.”

Pinaaalalahanan din ng PNP ang lahat na sa oras ng emergency o kung kailangan ng tulong mula sa pulisya, maaaring tumawag sa Unified 911 para sa agarang tugon at koordinasyon.

Muling pinagtitibay ng PNP ang buong suporta nito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas — Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” sa pamamagitan ng pagtitiyak na ligtas at malayo sa scam ang pagdiriwang ng bawat Pilipino ngayong Undas at holiday season.