Calendar
Babaeng galing US huli
INARESTO ng mga elemento ng PNP-Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang 64-anyos na babae nang dumating mula sa Los Angeles, California, USA, noong Huwebes sa Ninoy Aquino International Airport bunga ng paglabag sa Republic Act (RA ) 1161 na inamiyendahan ng RA 8282 o ang Social Security Act of 1997.
Ayon kay AVSEGROUP Director P/BGen. Jay R. Cumigad, hindi basta-basta nawawala ang pananagutan sa batas kahit pa lisanin natin ang ating bansa.
Tiniyak ni BGen. Cumigad na mananagot ang sinuman kapag binalewala ang kanyang obligasyon kahit ilang taon pa siyang manatili sa ibang bansa kaya’t pinayuhan niya ang mga nahaharap sa usapin na harapin ang kanilang kaso sa hukuman bago umalis ng bansa.
Pansamantalang nakadetine sa NAIA Police Station 1 ang akusado para sa wastong dokumentasyon habang naglaan naman ng P24,000 na piyansa ang hukuman para sa pansamantala niyang paglaya.

