Asistio

Asistio pinapurihan si Speaker Bojie Dy kaugnay sa Magna Carta para sa mga barangay

Mar Rodriguez Oct 25, 2025
298 Views

PINAPURIHAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III matapos nitong tiyakin na ipaglalaban nito ang pagpasa sa Kamara de Representantes ng matagal ng hinihintay na Magna Carta para sa mga empleyado at opisyal ng barangay.

Sinabi ni Asistio na taos-puso ang kaniyang pasasalamat kay Speaker Dy dahil sa wakas ay maipapasa narin ang Magna Carta para sa mga barangay na kumikilala sa kanilang malaking kontribusyon, karangalan at kasama na dito ang pagbibigay sa kanila ng kompensasyon.

Ipinahayag ng House Speaker na kabilang ang naturang panukalang batas sa walong priority bills ng Kamara.

Ayon sa kongresista, ang pagpasa ng Magna Carta para sa mga barangay ay maituturing na isang maliit na “token of appreciation” para sa mga empleyado at opisyal ng barangay dahil sa napakalaking kontribusyon at sakripisyo para mapatahimik ang kanilang lugar kung saan kapuna-puna ang kanilang hindi matatawarang paglilingkod noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Ang House Bill No. 3533 ay naglalayong magtatag ng Magna Carta para sa mga barangay habang kikilalanin din nito ang mga opisyal bilang regular na kawani ng gobyerno na may karapatan sa itinatakdang suweldo, mga benepisyo at seguridad sa pagreretiro.