Pangilinan Pinangunahan ni Pangilinan, chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, ang inspeksyon noong Lunes sa dalawang 40-foot container sa Manila International Container Port (MICP) kasama si BOC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla. Sa halip na fish balls gaya ng idineklara (5,300 karton), laman ng kargamento ay mga sako ng frozen chicken breasts na tinatayang nagkakahalaga ng ₱12.96 milyon.

Agri smuggling banta sa kaligtasan ng publiko, kapakanan ng mga magsasaka

180 Views

NAGDEKLARA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng malawakang giyera laban sa agricultural smuggling, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC), kasabay ng imbestigasyon sa mga puslit na produkto na posibleng banta sa kaligtasan ng publiko at kapakanan ng mga lokal na magsasaka.

Pinangunahan ni Pangilinan, chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, ang inspeksyon noong Lunes sa dalawang 40-foot container sa Manila International Container Port (MICP) kasama si BOC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla. Sa halip na fish balls gaya ng idineklara (5,300 karton), laman ng kargamento ay mga sako ng frozen chicken breasts na tinatayang nagkakahalaga ng ₱12.96 milyon.

“Ang mahalaga dito ay nagtutulungan ang ating Committee on Agriculture sa Senado at ang BOC,” ani Pangilinan. “Ako ay naging chairman ng komite noong katapusan ng Hulyo, habang si Commissioner Nepomuceno ay naupo rin sa BOC noong Hulyo.”

Sa mga pagdinig ng Senado na pinamumunuan ng senador, lima na ang kinastigo sa contempt—kabilang ang ilang broker at isang deputy collector sa Subic—dahil sa patuloy na hindi pagsagot sa mga tanong ng komite.

“If at all, that’s an indicator of how serious we are, how serious the BOC is,” wika ni Pangilinan. “They have been providing us the necessary documents and information.”

Ipinahayag niya na nakatakda siyang makipagpulong sa Office of the Ombudsman, Department of Justice, at National Bureau of Investigation upang simulan ang pagsasampa ng mga kasong walang piyansa alinsunod sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Law.

Ayon sa senador, hindi lamang mga broker at konsinye ang pananagutin kundi pati ang mga malalaking operator at ilang opisyal ng pamahalaan na umano’y kasangkot sa smuggling.

“Ang lakas ng loob nilang ipasok at gumawa ng kalokohan. Is this salvaged value? Ibig sabihin, binili sa China, dapat itapon na, pero dahil mura dadalhin dito tapos lilinisin—ganon ba ang sistema?” tanong niya. “Gusto naming i-check kasi ‘yung ganon, doon pumapasok ang sakit.”

Binalikan ni Pangilinan ang P130 bilyong pinsala sa hog industry noong 2019 bunsod ng African Swine Flu outbreak. Babala niya, maaaring maulit ang ganitong trahedya kung patuloy ang pagpasok ng di-ligtas na mga produktong karne mula sa ibang bansa.

“Hindi natin alam kung ito ay pwedeng kainin o nire-recycle o dapat na sanang itapon pero dinadala rito. Ibinibenta nang mura, kaya namamatay ang ating poultry industry.”

Umaasa si Pangilinan na sa pamumuno ni Commissioner Nepomuceno ay mas mapapalakas pa ang ugnayan ng BOC at Senado para tuluyang matigil ang agricultural smuggling.