Calendar
DPWH Secretary Vivencio Dizon
Patuloy na reblocking, paulit-ulit na proyekto ng DPWH pinuna sa Senado
NAGPAHAYAG ng pangamba si Senador Erwin Tulfo sa patuloy na reblocking ng mga kalsada, lalo na sa mga lalawigan, at iginiit na tila nauulit ang ilang proyekto na bagong tapos pa lamang.
“‘Yung daan, kakainaugurate lang, pagkatapos ng isang buwan, binubungkal na naman. Parehong daan, parehong munisipyo,” ani Tulfo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026. Tinukoy niyang karaniwan ang ganitong insidente sa Region V, partikular sa daan mula Quezon hanggang Camarines Sur.
Kinumpirma ni DPWH Secretary Vivencio Dizon ang obserbasyon ni Tulfo at sinabing isa ito sa mga madalas ireklamo ng taumbayan. Ayon sa kanya, naglabas siya ng kautusan noong Oktubre 7, 2025 na pansamantalang sinuspinde ang lahat ng reblocking sa bansa habang binubuo pa ang mas malinaw na pamantayan para sa mga ganitong proyekto.
“Sa ngayon, lahat ng reblocking ay suspendido maliban na lamang sa mga pagkukumpuni na may kinalaman sa drainage o water systems. Gayunpaman, patuloy pa rin naming iniimbestigahan ang mga ito,” paliwanag ni Dizon.
Ang reblocking ay tumutukoy sa pagtanggal ng sira o mahinang bahagi ng kalsada at pagpapalit nito ng mas matibay at mabilis matuyong konkretong materyales. Subalit iginiit ni Tulfo na ang biglaang pagsasaayos sa mga bagong daan ay nagbubunsod ng hinala sa mamamayan at nagpapakita ng posibleng pag-abuso sa pondo.
Samantala, pinuna rin ni Senador Win Gatchalian ang umano’y pag-uulit ng mga proyekto sa panukalang badyet ng DPWH para sa 2026.
Aniya, may kabuuang 6,187 proyekto na nagkakahalaga ng ₱271 bilyon ang na-flag ng komite dahil sa kahina-hinalang pagkakapareho ng mga pangalan. “Humiling kami sa departamento na tukuyin ang station numbers para makita kung saan eksakto ito at masiguro na hindi ito duplicate,” paliwanag ng senador.
Sinabi naman ni Dizon na ang nasabing budget ay ginawa ng kanyang naunang pinuno. Dagdag niya, 946 na proyekto ang kanilang natukoy na may parehong pangalan sa nakaraang taon, na nagkakahalaga ng ₱14.455 bilyon. Sa kasalukuyan, 798 na proyekto na ang na-validate.
Binigyan ni Gatchalian ang DPWH hanggang Oktubre 28 para tapusin ang beripikasyon sa mga natitirang proyekto.
Lumalawak ang pangamba ng publiko na baka nasasayang ang pondo para sa imprastruktura dahil sa paulit-ulit o maagang pagsasaayos ng mga kalsada—lalo na sa mga lalawigang kulang pa rin sa maayos na daan.

