Discaya Ang Rolls-Royce ng mag-asawang Discaya sa loob ng compound ng Bureau of Customs (BOC) sa Port Area, Manila. Nitong Martes, itinanggi ng BOC ang maling impormasyon na kumakalat online na nagsasabing ang luxury vehicle na kinumpiska mula sa kontrobersyal na mag-asawa ay nakita umanong umiikot sa Metro Manila. PNA file photo

BOC: Rolls Royce ng mga Discaya na nakitang gumagala sa MM fake news

223 Views

ITINANGGI ng Bureau of Customs (BOC) nitong Martes ang misleading at maling impormasyon na kumakalat online na diumano ang Rolls-Royce na kinumpiska mula sa mag-asawang Discaya ay nakitang minamaneho sa Metro Manila.

Sa isang statement, sinabi ng ahensya na ang nasabing sasakyan, kasama ang iba pang mga marangyang kotse na nakumpiska mula sa mga kontratistang sina Pacifico “Curlee” Discaya II at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya ― na konektado sa mga iregularidad sa mga proyekto sa flood control ― ay nananatiling nasa kustodiya ng BOC.

“All seized vehicles are securely stored under the strict supervision of the Customs Police, safeguarded by physical barriers, security personnel, and inventory controls that prevent any unauthorized access, movement, or release,” pahayag ng BOC.

Binanggit din ng BOC na ang plaka ng Rolls-Royce na ipinakita sa viral na post ay nagtatapos sa bilang na 949, samantalang ang nakumpiskang sasakyan sa bisa ng kaso ng mga Discaya ay nagtatapos sa 889.

“This clearly disproves the claim circulating online,” ayon sa statement.

Ipinaliwanag ng ahensya na walang nakumpiskang ari-arian ang maaaring alisin o galawin nang walang wastong awtoridad at kumpletong dokumentasyon.

“Any unauthorized release, tampering, or movement of seized items constitutes a serious violation punishable under existing customs laws and regulations, including administrative and criminal penalties,” giit ng BOC.

Kasabay nito, nanawagan ang ahensya sa publiko na tangkilikin lamang ang opisyal na mga sanggunian ng BOC para sa beripikadong impormasyon.

Ang mga maling pahayag, gawa-gawang kuwento at iba pang mapanirang content na ibinabahagi online ay nakaka-mislead sa publiko, sinabi ng BOC.

Para sa mga paglilinaw at beripikadong update, hinihikayat ang publiko na bisitahin ang opisyal na website ng BOC sa customs.gov.ph o sundan ang kanilang opisyal na mga social media page.

Pinasalamatan din ng ahensya ang publiko sa pagbibigay-alam ng ganitong mga usapin, at tiniyak na ginagawa nito ang lahat upang mapanatili ang integridad at tiwala ng publiko sa lahat ng operasyon nito.

Noong Lunes, isang post ang naging viral sa social media na nagpapakita ng larawan ng isang marangyang sasakyan na sinasabing ito ang kinumpiska ng BOC mula sa kontrobersyal na mag-asawa, ngunit nakita umanong tumatakbo sa mga lansangan ng Metro Manila. Philippine News Agency