Vargas

PBBM pinapurihan ni Vargas dahil sa utos nitong price freeze sa mga pangunahing bilihin

Mar Rodriguez Oct 28, 2025
232 Views

PINAPURIHAN ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong ipag-utos ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.

Sinabi ng House Deputy Majority Leader na malaki ang maitutulong ng price freeze para sa ating mga kababayan partikular na para sa mga mahihirap na mamamayan sa gitna ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at pagtaas din sa presyo ng gasolina.

Ipinaliwanag ni Vargas na matinding sakripisyo ang tinitiis ng mga mamamayan dahil sa mataas na bilihin kung kaya’t ang direktiba ni Pangulong Marcos, Jr. ang magpapagaan sa bigat na kanilang binabalikat.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Marcos, Jr. sa Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin hanggang sa katapusan ng taon para mapanatili ang presyo ng mga produkto.

Ayon kay Vargas, napapanahon o timely ang naging direktiba ng Pangulo sapagkat panigurado na maraming mamimili ang magsasamantala at magtataas sa presyo ng kanilang mga produkto sa pagpasok ng holiday season.

Pagbibigay diin ng mambabatas na walang ibang mahihirapan sa ganitong sistema kundi ang mga probreng mamamayan.

Kasabay nito, nananawagan si Vargas sa DTI na dapat nilang bantayan ang mahigpit na pagpapatupad ng Standard Retail Price (SRP) upang matiyak na walang magtataas ng kanilang produkto lalo na sa inaangkat na bigas at iba pang pangunahing pagkain.